NAGKAISA sina Senator Alan Peter Cayetano at dating President Rodrigo Roa Duterte sa panawagan nila sa gobyerno na ipagpatuloy ang kampanya laban sa iligal na droga.
“Paalala sa lahat, lalo na sa pulis, ituloy ang laban sa droga. Medyo bumabalik nang kaunti,” ani Sen. Alan Peter Cayetano.
Ang pahayag ni Cayetano ay sinang-ayunan ng dating Pangulo nang magkita sila sa Davao City, araw ng Miyerkules.
Ayon kay Duterte, kailangan lang makasiguro ng mga pulis na nasa likod nila ang gobyerno pagdating sa pagpapatupad ng batas, partikular sa kampanya laban sa iligal na droga.
“Kailangan lang ng concrete and very strong statement coming from the Executive that he will protect you when you do right and he will crush you if you do it wrong,” pahayag ni former President Rodrigo R. Duterte.
“Dalawa lang naman ‘yan: tama o mali. Mamili kayo. Doon kayo sa mali, madisgrasya kayo. Dito sa tama, maligaya kayong lahat. Ako po’y hindi na Presidente, pero gayunpaman, nagwa-warning ako sa inyo,” ayon pa sa dating Pangulong Duterte.
Matatandaang nanawagan si Sen. Cayetano sa administrasyon nitong nakaraang buwan na ipagpatuloy ang kampanya laban sa iligal na droga sa gitna ng pangamba na may ilang matataas na opisyal sa Philippine National Police (PNP) na may kaugnayan sa drug trade.
Sinabi ito ni Cayetano bilang tugon sa panawagan ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. para sa lahat ng police colonels at generals na magsumite ng kanilang courtesy resignation para malinis ang hanay ng mga pulis sa koneksyon sa iligal na droga.
Wika ni Cayetano, nakaaalarma ang isyung ito at nanawagan siya na ipagpatuloy ang kampanya laban sa iligal na droga na sinimulan ng Duterte administration noong 2016.
Dagdag niya, bilang matagal nang taga-suporta ng PNP, naniniwala siyang maaaring maging “agent of change” ang mga pulis sa pagtugon sa malalang problema ng droga sa bansa.
Samantala, pinasalamatan din ni Cayetano si Duterte sa mga malaking kontribusyon niya sa bansa at nanawagan sa publiko na ipanalangin ang dating Pangulo.
“Mga kababayan, please continue your prayers and support sa ating mahal na Pangulo na nagmamahal sa ating bansa. Maraming salamat po boss sa ginawa mo sa bansa,” aniya.