BILANG tugon sa gusto ng mga taxpayers, nais ni Senator Win Gatchalian na pasimplehin at palawigin pa ng 2 taon ang Estate tax amnesty program ng gobyerno para mas marami pang taxpayers ang maka-avail nito.
Si Gatchalian na chairperson ng Senate Committee on Ways and Means ay naghain ng Senate Bill 2197 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 11213 o ang Tax Amnesty Act, na sinusugan ng Republic Act No. 11569, upang higit pang palawigin ang pag-avail ng estate tax amnesty.
Pasado na sa Mababang Kapulungan ang bersiyon nito ng naturang panukala at opisyal nang nai-transmit sa Senado kahapon, Mayo 16.
Sa ilalim ng kaniyang panukalang batas, nais ni Gatchalian na pasimplehin ang proseso para sa pag-avail ng tax amnesty program para mahikayat ang mas maraming taxpayers na samantalahin ang naturang tax reprieve.
Kapag naisabatas ang panukala ay tatagal ng 2 pang taon o hanggang Hunyo 14, 2025 ang pag-avail ng estate tax amnesty.
Nakatakda na kasing matapos ang programa sa Hunyo 14 ngayong taon.