Sen. Revilla, pinangunahan ang Bayanihan Relief Operations sa Bulkang Mayon

Sen. Revilla, pinangunahan ang Bayanihan Relief Operations sa Bulkang Mayon

PINANGUNAHAN ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. ang isinagawang Bayanihan Relief Operations sa mga kababayang inilikas na sa iba’t ibang evacuation center na nakapuwesto sa labas ng 8km radius na itinuturing na permanent danger zone sa paligid ng Bulkang Mayon sa Albay.

Personal na tinungo ni Revilla ang mga pamilya na nasa evacuation center sa iba’t ibang bayan sa paligid mismo ng bulkan sa Santo Domingo, Malilipot, Guinobatan, Camalig, Daraga at Tabaco City.

Mahigit sa 4,229 pamilya ang nakatanggap ng P5,000 cash assistance bawat isa upang kahit paano ay makatulong aniya sa mga gastusing kinakaharap ng mga nagsilikas.

Kilala si Revilla bilang isa sa palaging nakikitang rumiresponde sa mga kalamidad na kung hindi man nangunguna ay hindi talaga nagpapahuli at palaging may panahon kung pagtulong ang pag-uusapan.

“Ipinapaabot ko po ang aking taus-pusong pakikiisa sa inyong muling pagbangon at pagsulong. Lahat tayo ay dumadaan sa pagsubok, pero ang importante, lahat tayo ay patuloy pa ring bumabangon. Ang panalangin ko sana ay walang masaktan at masira pa. Wala akong ibang hiling maliban sa sana ay huwag matuloy ang nakaambang panganib na dala ng bulkan,” maikling pahayag ni Revilla.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 20,000 katao ang inilikas na sa mga evacuation center mula sa dating 6km ngunit ginawa ng 8km danger zone sa paligid ng buong bulkan.

Follow SMNI NEWS in Twitter