NAGHAIN si Senator Raffy Tulfo ng panukalang batas na naglalayong magbigay ng libreng financial literacy training programs para sa mga OFW bilang pre-departure at post-arrival seminar upang makaiwas sila sa iba’t ibang investment at online scam.
Si Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, ay naghain ng Senate Bill (SB) No. 2078 para mataguyod ang financial responsibility at mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga OFW sa pag-manage ng kanilang pera.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang karaniwang Pilipino ay nananatiling mababa ang antas ng financial literacy kaya hirap itong magdesisyon tungkol sa pag-iimpok, pamumuhunan, pautang, at marami pang iba.
Sinabi ni Tulfo na ang COVID-19 pandemic ay nagpakita sa lahat ng Pilipino ng kahalagahan ng financial safety at responsibility.
Sa ilalim ng SB No. 2078, lahat ng OFW ay sasailalim sa mandatory financial literacy training seminars na magiging mahalagang bahagi ng Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS).