NALUNGKOT si Senator Idol Raffy Tulfo sa kalunos-lunos na kalagayan ng ilang mga pasyente sa National Center for Mental Health (NCMH) na hindi natatrato nang maayos dahil sa hindi maayos na pasilidad dito.
Inihain ni Tulfo ang Senate Resolution (SR) No. 562 na inaatasan ang Senate Committee on Health na imbestigahan ang kalagayan ng mga pasilidad sa NCMH upang matiyak na ang mga pasyente ay makakatanggap ng wastong pangangalaga at matugunan ang napaulat na katiwalian sa pamamahala nito.
Noong March 27, 2023, Lunes ng umaga, nagsagawa ng surprise ocular inspection si Senator Idol sa NCMH bilang pagtugon sa isang tip na kanyang natanggap mula sa concerned citizen.
Ayon sa sumbong, hindi umano makatarungan ang trato sa mga pasyente doon, animong mga hayop daw kung sila ay ituring.
“Nakakalungkot na makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng ilang mga pasyente sa NCMH sa Mandaluyong. Kung mahina ang iyong sikmura, tiyak na masusuka ka sa sobrang baho ng kanilang ward. Daig pa ang amoy ng kulungan ng baboy.”
“Sa sahig sila natutulog at walang banig, kumot o unan. Nagsisiksikan na parang mga sardinas at sobrang init na mistulang pugon dahil walang ventilation at kulang sa electric fan,” ani Tulfo.
Ang Pavilion 8 o ang Female Ward ang una niyang binisita.
Aniya, halos bumaliktad ang kanyang sikmura sa sobrang baho, umaalingasaw ang naghalong amoy ng dumi at ihi ng mga pasyente.
Nakadagdag pa rito ang imburnal sa labas ng ward na maraming basurang lumulutang-lutang.
Dahil dito, nagbigay ng suhestiyon si Sen. Tulfo sa NCMH Chief na dapat maglagay ng maraming humidifier, automatic round the clock disinfectant spray, at two times a day na paglilinis sa mga ward na sinang-ayunan naman ng chief.
Sa pagtungo niya sa Pavilion 4 o ang Forensic Ward kung saan nananatili ang mga pasyenteng nagkasala sa batas na ipina-komit ng korte, napansin ng mambabatas ang nagsisiksikang mahigit limampung mga pasyente sa isang maliit na kwarto na ang kapasidad ay para lamang sa 10 tao.
Pinuntahan din ni Sen. Raffy ang isang abandonadong pavilion na ‘di tinapos ang konstruksyon, ito’y ginastusan ng mahigit 60 milyon pesos.
Ito rin ang dahilan kung bakit ang isang dating chief ng NCMH ang pinaslang dahil isiniwalat niya ang mga katiwaliang ito at iba pang mga anumalya sa nasabing institusyon.
Sa paghahain ng resolusyon, layon ni Tulfo na tukuyin ang ugat ng mga problema at lapses sa mga operasyon ng NCMH, at para din masuri ang kalidad ng pangangalaga, paggamot, at suporta na ibinibigay sa mga pasyente ng ospital.
Ani Tulfo, dapat managot ang lahat ng mga responsable sa katiwalian sa ospital.