KINASTIGO ni Senador “Idol” Raffy Tulfo ang mga Small Town Lottery (STL) operators na hindi nagbibigay ng tamang benepisyo sa mga “kabos” o mahihirap.
Ayon sa mga ulat na natanggap ni Tulfo, ang mga kabos ay hindi nakakakuha ng government-mandated work benefits, tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-ibig.
“I talked to several kabos from different provinces, at wala daw po silang natatanggap na benepisyo. Masakit po sa kalooban ko, bilang pro-manggagawa, na ipinagkakait po ng STL operators, who are making billions of pesos every month, ang benepisyo na para sana sa kanila,” ani Tulfo.
Sa pagdinig ng Committee on Games and Amusement kahapon, nabigo si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chair Junie Cua na mapakita ang proof of remittances na nagpapatunay na ang mga operators ng STL ay nagbabayad sa SSS, PhilHealth, at Pag-ibig ng mga kabos.
Bukod sa isyu sa mga benepisyo, nabanggit din ni Tulfo ang di makatarungang bidding process ng STL, na kung saan ay pwede uling sumali sa isa pang round ng bidding ang isang bidder na natalo na.
Ang kasalukuyang sistema, ani Tulfo, ay pinapaboran lamang ang isang big-time at makapangyarihang gambling lord na nakapanalo sa karamihan ng mga prangkisa para magpatakbo ng STL sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Inaabuso ng ibang opisyal ng PCSO ang ganitong sistema kung saan nakakatanggap ng goodwill money at regular na under-the-table pay sila mula sa nasabing gambling lord.
Sa halip na mapunta sa bulsa ng mga tiwaling indibidwal, sinabi ni Tulfo na ang mga kita sa sugal ay maaaring gastusin para sa mga serbisyong panlipunan na makikinabang sa mga mahihirap at iba pang Pilipinong nangangailangan ng tulong.
Binigyang-diin ni Tulfo na dapat isara na ang bidding kapag naideklara na ang isang nanalong bidder.
“Dapat, pag nanalo na, nanalo na. ‘Pag natalo na, natalo na. Ganon po talaga ang essence of bidding. Kapag natalo ka na, better luck next time,” ani Tulfo.
Nanindigan si Tulfo na dapat pangalagaan ng PCSO at PAGCOR ang kanilang mga kinikita upang matiyak na ang gobyerno at ang mga mamamayang Pilipino ang makikinabang dito at hindi ang mga gambling lords lamang.
“You guys are in the business of legalizing gambling to generate revenues for the state. And in doing so, you are causing the proliferation of a bad habit. Gambling is a vice. And vice is a bad habit. And if it becomes excessive, it turns into an addiction,” ani Tulfo.
“At ‘pag naging adik na po ang isang sugarol, nandiyan na po yung napapabayaan na niya yung kanyang sarili, yung kanyang pamilya, yung kanyang trabaho. Minsan, he gets involved in criminal activities para matustusan ang kanyang pagsusugal,” saad pa ni Tulfo.
“There are times na nadedepress siya, hanggang sa magpakamatay. Siyempre, pag naapektuhan siya, apektado din ang kanyang pamilya. Now, why am I saying this? To remind PCSO and PAGCOR na alagaan niyo po ‘yung pera na pumapasok po sa ahensya niyo because these are considered blood money,” pagtatapos ni Tulfo.