Sen. Villar nanawagan ng mas mahigpit na regulasyon kasunod ng MV Hong Hai 16 incident

Sen. Villar nanawagan ng mas mahigpit na regulasyon kasunod ng MV Hong Hai 16 incident

NAGPAHAYAG ng matinding pagkalungkot si Sen. Cynthia Villar sa sinapit ng mga biktima ng MV Hong Hai 16. Giit niya, dapat imbestigahan ang kondisyon ng barko at ang sistema ng pagbabantay sa mga dredging activities sa ating mga karagatan—lalo na’t nangyari ang insidente kahit walang masamang panahon.

“Bawat aksidente sa dagat ay may banta sa kalikasan, kabuhayan, at kaligtasan. Dapat nating tutukan ang posibilidad ng oil spill na makakaapekto sa ating mga mangingisda,” ayon kay Sen. Cynthia Villar.

Binigyang-diin din ng senadora ang kahalintulad na trahedya noong 2023, gaya ng oil spill mula sa MT Princess Empress, at ang paglubog ng M/T Terra Nova at MTKR Jason Bradley sa Bataan—na parehong nagdulot ng matinding pinsala sa marine life.

“Sa kaso ng Terra Nova, may alegasyon ng ilegal na pagbebenta ng langis, ngunit wala pa ring malinaw na resulta ng imbestigasyon,” ani Villar.

Kaya panawagan ni Villar—mahigpit na regulasyon, seryosong pagbabantay, at tunay na pananagutan upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong mga insidente.

“Hindi natin puwedeng hayaan ang ganitong kapabayaan. Nasasayang ang ating pagsisikap na protektahan ang karagatan at kabuhayan ng mga Pilipino,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble