PORMAL nang nagbukas ngayong umaga ang sesyon ng Mataas na Kapulungan para sa 19th Congress kasabay ng pagkahalal ni Senator Migz Zubiri bilang Senate President sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ito ay dahil wala namang ibang nominasyon o nominee para sa naturang posisyon.
Si Sen. Villanueva ang unang nagbukas ng nominasyon ni Zubiri sa Senado.
Ayon kay Sen. Villanueva, hinog na si Zubiri para sa posisyon dahil sa karanasan nito sa Kamara at Senado bilang majority leader.
Matatandaan na noong 14th Congress nang una ito maging majority leader ng Senado.
Ayon kay Sen. Grace Poe saksi ito sa mastery ni Zubiri sa Senate rules habang sinabi naman ni Dela Rosa na suportado niya ang Senate leadership ni Zubiri bilang kapwa niya taga-Mindanao.
Ilan pa sa nag-deliver ng kanilang nomination speech kay Zubiri ay sina Sen. Grace Poe, Sen. Jinggoy Estrada, at Senator JV Ejercito.
Sina Sen. Allan Peter Cayetano, at Senator Pia Cayetano ay hindi naman lumahok sa botohan pabor kay Zubiri at mananatili aniya silang independent.
Nag-abstain naman sa botohan sina Koko Pimentel at Senator Risa Hontiveros na pawang kasama sa minority group.
Pinangunahan naman ni Senator Loren Legarda ang oath taking ni Zubiri bilang bagong halal na Senate President.
Lubos namang nagpasalamat si Zubiri sa suportang tinanggap nito.
Tiniyak ni Zubiri na magiging bukas ito sa majority at minority bloc pagdating sa mga pagtalakay ng mga panukalang batas.
Inihalal si Senator Loren Legarda bilang Senate President Pro Tempore na siyang itinuturing na most senior senator sa Kongreso.
Matatandaan na si Legarda ay una nang naging senador noong 11th Congress.
Si Senator Joel Villanueva ay nailagay bilang chairman ng Senate Committee on Rules at kung sino ang magiging chairman ng naturang komite ay siya namang automatikong magiging majority leader.
Si Senator Robin Padilla hindi naman bomoto pabor kay Villanueva.
Sa minority leadership naman ay na-nominate si Senator Koko Pimentel na tinanggap naman nito ang nominasyon.
Kanina ay winelcome at binati rin ang 12 bagong halal na mga senador na sina Robin Padilla, Raffy Tulfo at Mark Villar.
Ganun din ang mga nagbabalik senador na sina Senators Chiz Escudero, JV Ejercito, Loren Legarda, Jinggoy Estrada, Allan Peter Cayetanoo, Sen. Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Joel Villanueva at maging si Sen. Zubiri.
Sila rin ay pormal na nanumpa para sa kanilang tungkulin na pinangunahan ni Senator Sonny Angara.
Alas-4 ng hapon naman ang joint session ng Kamara at Senado para magbigay-daan sa SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa pagbubukas ng sesyon kanina ay inadopt ng Senado ang mga resolusyon na nagpapaalam sa Pangulo at ang Mababang Kapulungan na naorganiza na ang Senado.
At ang resolusyon na nagno-notify sa Pangulo na handa na ang Kongreso para pakinggan ang mensahe ng Pangulo sa kaniyang SONA.