Singapore, bukas sa mga bagong panukala ng high speed rail mula sa Malaysia

BUKAS ang Singapore sa mga bagong panukala para sa proyekto na Kuala Lumpur to Singapore high speed rail.

Iminungkahi ni Malaysian Prime Minister Datuk Seri Ismail Sabri Yaakob na muling buhayin ang usapin ukol sa Kuala Lumpur-Singapore high speed rail (HSR) na kaagad namang sinang ayunan ni Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong.

Ayon sa Singapore Prime Minister, bukas ang republika sa mga bagong panukala mula sa Malaysia sa proyekto ng HSR bagama’t ang dalawang bansa ay dati nang sumang-ayon na wakasan ito.

Matatandaan na noong Enero 1 ngayong taon, magkatuwang na inanunsyo ng Malaysia at Singapore ang pagwawakas ng proyekto ng HSR, dahil nabigo ang dalawang bansa na magkasundo sa mga pagbabagong iminungkahi ng Malaysia bago matapos ang kasunduan sa proyekto noong Disyembre 31 taong 2020.

Bukod pa rito, nitong Marso ng kasalukuyang taon ay inihayag ng Malaysia na nagbayad ito sa Singapore ng 102.8 milyong dolyar para sa mga ginastos nito para sa pagpapaunlad ng proyekto ng HSR.

Samantala, sinabi ni Prime Minister Ismail Sabri na ang muling pagbuhay sa HSR project ay isasagawa ng dalawang transport ministry at ang bagong panukala ay dadalhin sa gabinete nito.

SMNI NEWS