Singil sa lahat ng tiket sa eroplano tataas sa Marso; P33 pasahe, aasahan naman mula sa AirAsia

Singil sa lahat ng tiket sa eroplano tataas sa Marso; P33 pasahe, aasahan naman mula sa AirAsia

KAMAKAILAN nga ay inanunsiyo ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang pagtaas ng fuel surcharge para sa buwan ng Marso sa Level 6 mula sa Level 5 pero depende pa rin ito sa destination.

Ang Level 6 Fuel Surcharge ay nangangahulugan ng karagdagang mahigit P185 hanggang mahigit P665 para sa mga domestic flight at higit P600 hanggang mahigit P900 para sa international flights.

Gayunpaman, ang airline ay nagpapaalala sa mga biyahero na ang mga tiket na binili sa loob ng buwan ng Pebrero ay hindi maaapektuhan ng fuel surcharge sa susunod na buwan.

Pero huwag mag-alala kung hindi nakahabol sa Piso Fare ng AirAsia Philippines na natapos noong Pebrero 25, dahil simula Pebrero 26 hanggang Marso 3, 2024 mayroon namang P33 worth na pamasahe ang inaalok ng AirAsia Philippines.

Ayon kay AirAsia Head of Communications and Public Affairs and First Officer Steve Dailisan, magpapatuloy ang travel period ng hanggang Oktubre 16, 2024.

Ayon din kay Dailisan, sa ngayon may 700,000 na silang mga bisita ang naka-book para sa buwan ng Marso hanggang Mayo sa parehong domestic at international destination, at inaasahan pa rin itong tataas hanggang sa mga susunod na araw at buwan.

Top destination pa rin sa naturang air carrier ang Boracay, Cebu, Bohol, at Puerto Princesa sa domestic habang sa Hong Kong, Bangkok, Incheon, Taipei, Narita, at Osaka naman sa international travels.

May paalala rin si Dailisan para mas madali at maginhawa ang booking, hinihikayat ang mga bisita nito na mag-check-in sa pamamagitan ng mga platform tulad ng AirAsia MOVE na dating airasia Superapp o airasia.com na magbibigay-daan sa kanila na makabili ng mga add-on gaya ng Santan inflight meal, baggage allowance, at hot seat na makakatipid ng 10-20%.

At dahil sa inaasahan ang mabigat na daloy ng trapiko patungong paliparan, maiigi nang nasa airport tatlong oras bago ang flight sa domestic at apat na oras naman para sa international destination.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble