Sitwasyon sa Luzon at Visayas grid, nag-improve nitong Miyerkules; Yellow Alert, ipinairal—NGCP

Sitwasyon sa Luzon at Visayas grid, nag-improve nitong Miyerkules; Yellow Alert, ipinairal—NGCP

MULA sa Red Alert status, nag-improve ang sitwasyon sa Luzon at Visayas grid ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Kahit anong dami pa ng electric fan, hindi iyan kakayanin sa sobrang init ng panahon ngayon sabi ni Aling Tina.

Kaya naman samu’t saring paraan ang ginagawa niya para kahit papaano ay maibsan ang nararamdamang init mula sa pagkain ng halo-halo hanggang sa instant pool para sa kaniyang apo na nasa labas ng kanilang bahay.

Pero ibang usapan na aniya kung magkakaroon pa ng brownout.

“Naku po! Dios ko! Lalo na ‘pag brownout, napakainit lalo na sa gabi. Sobra, magpaypay na lang. May electric fan, hindi kaya, magpaypay pa,” hinaing ni Tina Miranda, isang residente sa Makati City.

Buti na lang hindi kasali ang lugar ni Aling Tina na nakaranas ng rotational brownout nitong Martes.

Iyan ay sa gitna ng Red Alert status o kakapusan ng power supply sa Luzon grid dulot ng pagbagsak ng 19 na planta ng kuryente.

Sabi ng Department of Energy (DOE), pinalala pa ng biglaang emergency shutdown sa Pagbilao Power Plant sa Quezon Province ang nasabing sitwasyon.

“Dalawang units nila ang nawala sa serbisyo dahil po sa pagkakaroon ng tinatawag nating boiler tube leak. Kinailangan po na mawala muna sila at upang i-repair iyong kanilang naging problema internally – iyon po iyong sitwasyon,” paliwanag ni Asec. Mario Marasigan, Department of Energy.

Sabi ng Meralco, ilang lugar lamang ang nakaranas ng rotational brownout.

Dahil anila iyan sa Interruptible Load Program  (ILP) kung saan pansamantalang gumamit ng kanilang mga sariling generator ang mga malalaking negosyo o kompanya at bumitaw sa Meralco.

“We’re talking of 300 megawatts of deloading capability. Ibig sabihin bumitaw muna sila sa Meralco at ginamit nila ‘yung sarili nilang supply. Kung ‘yung 300 megawatts ay nawala, mas maraming tatatamaan na residential areas sana kahapon,” ayon kay Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Meralco.

Pero araw ng Miyerkules, isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon at Visayas sa Yellow Alert status mula 1:00 ng hapon hanggang 11:00 ng gabi.

Manipis pa rin kasi ang reserba ng kuryente.

“Dahil na rin riyan sa mga unplanned maintenance shutdowns ng mga malalaking planta sa grid kaya nagkulang na ngayon ng suplay ng kuryente para tugunan ‘yung pangangailangan ng mga consumers,” ayon naman kay Atty. Cynthia Alabanza, Spokesperson, NGCP.

Nasa 18 planta sa Luzon ang nag-force outage habang 13 naman sa Visayas.

Pero sabi ng NGCP, nag-improve na ang sitwasyon kumpara noong Martes.

“Today, Yellow Alert na tayo kasi mayroong malalaking planta na bumalik in both the Luzon and Visayas grids plus mababa rin ang demand for today,” ani Alabanza.

Pagbabalik-operasyon ng ilang plantang bumagsak sa Luzon at Visayas, asahan sa Sabado—DOE

Para sa Meralco, maituturing nilang ‘happy situation’ ang Yellow Alert sa Luzon pero kinakailangan pa ring bantayan ang demand sa kuryente.

Dapat paghandaan ayon sa Electric Company ang papalapit na buwan ng Mayo.

Inaasahan kasi ang pinakamainit na temperatura sa buwan na iyan na magreresulta sa mataas na demand sa kuryente na aabot sa higit 11,000 megawatt.

“Hopefully, most of these will come online and on stream soon so that when May arrives, mayroon na tayong pantapat doon sa pagsipa ng demand. Actually, na-reach na natin ‘yung more than 11,000 megawatts in terms of demand nitong mga nakaraang araw eh,” saad ni Zaldarriaga ng Meralco.

“Iyon pong planta na nagkaroon ng outages kahapon, sa tantiya po natin ay magkakaroon na po, babalik na po sa serbisyo sa April 20. At mayroon pa po tayong isang planta na inaasahan sa katapusan ng buwan,” ayon naman kay Marasigan ng DOE.

Nanawagan ang DOE sa publiko na kung maaari ay makiisa sa energy conservation dahil makakatulong anila ang maliit na demand sa kuryente upang hindi magkakaroon ng rotational brownout o iyong malawakang outage.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble