SMNI Presidential Debate, naging ‘substantial’ at ‘comprehensive’ –Ernesto Abella

SMNI Presidential Debate, naging ‘substantial’ at ‘comprehensive’ –Ernesto Abella

PINURI ni presidential candidate Ernesto Abella ang presidential debate na inorganisa ng Sonshine Media Network International (SMNI).

‘Substantial at ‘comprehensive.’

Ganito mailarawan ni former Presidential spokesperson at ngayo’y presidential candidate Ernesto Abella  ang SMNI Presidential Debate.

Naging matagumpay ang inabangan at kauna-unahang presidential debate na host ang SMNI News, ALV Events Int’l, at The Manila Times na ginanap sa OKADA Manila kagabi.

Sa isang ekslusibong panayam ng SMNI News, sinabi ni Ernesto Abella, maganda ang naging takbo ng debate.

Dagdag pa ni Abella, maayos aniya ang mga pagkagawa ng mga tanong kung saan inilarawan niya ito na ‘substantial’ at ‘comprehensive’ ang mga katanungan na ibinato ng mga panelist sa kanila.

“I think they did it in a very nice way, very classy way and very impressive. Ang iba naman kasi na mga tanong medyo detalye na pati hindi naman lahat nagsi-share ng parehong concerns katulad nung sa education may mga bagay talaga doon na medyo madetalya pero malalim kailangan talaga masagot. Sa palagay ko substantial, comprehensive enough yung mga tanong, maganda yung mga pagkaka-cover. It went very great,” ani Abella.

Para kay Abella, isa sa maituturing na interesting topic sa SMNI debates ay ang isyu patungkol sa West Philipine Sea (WPS).

Samantala, iginiit ni Abella na malaking bagay para sa mga kandidato ang pagdalo sa presidential debates kagaya na lamang ng inorganisa ng SMNI.

“Malaki natural syempre naririnig natin kung ano talaga ang nasa puso niya kung ano ang pananaw at kung saan niya dadalhin ang bayan so mahalaga yun at kailangan marinig,” aniya pa.

Pinuri naman ni Abella ang kanyang kapwa kandidato na kalahok sa SMNI debate at isinaysay na malinaw ang point of view ng mga ito.

Hindi naman masyadong naghayag ng kanyang komento si Abella hinggil sa ibang kandidatong hindi nakiisa sa debate at sinabi lamang na desisyon at responsibilidad na ito ng political candidates na magpakilala sa taumbayan.

Sa huli, pinasalamatan ni Abella ang SMNI sa pagkakataon na ibinigay sa kanya at sa mga kandidato para mailahad ang mga isusulong na programa at plataporma.

Matatandaang naging Presidential Spokesperson ni Pangulong Rodrigo Duterte si Abella simula 2016 hanggang 2017.

Follow SMNI News on Twitter