Socorro LGU, nanawagan sa mga miyembro ng SBSI na magsipagbalikan na sa kanilang tahanan

Socorro LGU, nanawagan sa mga miyembro ng SBSI na magsipagbalikan na sa kanilang tahanan

NANAWAGAN ang lokal na pamahalaan ng Socorro sa Surigao del Norte sa tinatayang nasa 4,000 miyembro ng grupong Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na bumalik na sa kanilang mga tahanan sa Brgy. Sudlon.

Ayon kay Socorro Mayor Riza Timcang, ang naturang mga miyembro ay nagsipaglipatan na sa Sitio Kapihan na pinangangasiwaan ng SBSI.

Ang naturang 353 ektarya ng lupa ay ibinigay sa SBSI noong 2004 sa ilalim ng Protected Area Community-Based Resource Management Agreement.

Pero ang nangyari aniya, doon na nanirahan ang mga miyembro ng SBSI na maituturing na isang paglabag dahil sa ilalim ng kasunduan ay bawal manirahan doon ang mga tao.

Pero ayaw umano na umalis ang mga SBSI members para bumalik sa kanilang barangay na nagmistula na ngayong ‘ghost town’ matapos nilang iwanan.

Samantala, hiniling naman ni Mayor Timcang sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na dagdagan ang puwersa para matiyak ang kaligtasan sa kanilang lugar.

Matatandaan na ang SBSI ay nahaharap sa reklamong child abuse at pinaniniwalaang nagsasagawa ng mga aktibidad ng isang kulto na labis na ikinababahala ng lokal na pamahalaan.

Itinakda naman sa Setyembre 28 ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa mga reklamong ito laban sa Socorro Group.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter