NAGKASUNDO ang Arms Procurement Agency ng South Korea at United Arab Emirates (UAE) para palakasin ang defense industry cooperation ng dalawang bansa.
Pinirmahan ni South Korean Minister of Defense Acquisition Program Administration Eom Dong Hwan at Secretary General ng Tawazun Council ng UAE na si Tareq Abdulraheem Al Hosani ang kasunduan noong Linggo sa Abu Dhabi.
Saksi rin sa signing ceremony si President Yoon Suk Yeol na isinasagawa ang kanyang kauna-unahang state visit sa UAE maging ang Emirati leader na si Sheikh Mohammed Bin Zayed Al Nahyan.
Ang layunin ng MOU na ito ay ayusin ang strategic defense industry cooperation ng dalawang bansa.
Matatandaan na Enero 2022 nang mag-export ang South Korea ng M-SAM (surface to air missiles) o Cheongung II sa UAE.
Sa ngayon ay pinalalakas ng UAE ang air defense systems nito laban sa missile at drone attacks na posibleng kaharapin ng oil facilities nito sa hinaharap.