STOP NCAP Coalition dudulog sa Korte Suprema para sa TRO vs. NCAP

STOP NCAP Coalition dudulog sa Korte Suprema para sa TRO vs. NCAP

DUDULOG sa Korte Suprema ang ilang grupong tutol sa implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP). Ayon sa kanila, hindi man lang kinonsulta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga grupo mula sa sektor ng transportasyon.

Araw ng Lunes, isang caravan ang inilunsad ng Stop NCAP Coalition sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila para ipahayag ang matinding pagtutol sa nasabing polisiya.

Pinangunahan ito ng National Public Transport Coalition, Truck Drivers Philippines, MANIBELA, Laban TNVS, at iba pa.

Giit nila, walang naging transparency ang MMDA sa guidelines na inilabas ng Korte Suprema ukol sa NCAP.

“Ang naging mali lang nung unang araw ay EDSA at tsaka C-5, di ba. Sumunod, pumasok na ang Commonwealth, pumasok na saan-saan, R10 hanggang ngayon ay maliliit na kalsada. Sana, ipaalam sa amin kung ano ba talaga ang order.”

“Walang transparency at hanggang ngayon ay wala silang nilalabas,” ayon kay Ariel Lim, President, National Public Transport Coalition.

Para sa grupong Laban TNVS, hindi naman sila tutol dito pero sana naman anila, kinonsulta man lang sila ng MMDA, lalo’t labis na naaapektuhan ang mga tsuper ng pampublikong transportasyon.

“Ang tanong angkop ba itong NCAP sa kasalukuyang kalsada natin ngayon.”

“Bibigyan natin ng malinaw na halimbawa, stop light kailan mo mahuhulaan na mag-orange ‘yan? Kahit si Nostradamus na napakagaling manghula ay hindi mahuhulaan kailan mago-orange ‘yan eh. Paano kung inabot ka na sa gitna ng box ng yellow box eh ‘di pitik ka na,” wika ni Ramil Mangila, Convenor, Laban TNVS.

Giit pa niya, dapat ayusin muna ng gobyerno ang mga road markings bago itulak ang NCAP.

Malayo pa aniya ang Pilipinas sa kahandaang ipatupad ang ganitong klase ng sistema, kumpara sa ibang bansa.

Lalo pa’t mas dehado ngayon ang mga pampasaherong tsuper, dahil mas malaki na ang multa kumpara noon.

“Napakalaki niyan para sa isang motorcycle taxi rider na kumikita ng minimum P1,000 sa loob pa ng 12 oras na pagbiyahe. Malaking kawalan ‘yun sa mga pamilyang umaasa. Ire-consider nila itong implementasyon ng NCAP kung talagang sinsero silang bigyan ng solusyon itong problema sa lumalalang trapik ay konsultahin nila lahat,” saad ni Don Pangan, Secretary General, Kagulong.

Para sa grupong MANIBELA, mas makabubuti kung ihihinto na muna ng MMDA ang implementasyon matapos ipag-utos ni Marcos Jr. ang suspensiyon sa EDSA rebuild na naging dahilan kung bakit muling ibinalik ang NCAP.

“I-suspend o pag-aralan kung saan may pagkukulang at ayusin muna natin bago siya ipatupad,” saad ni Mar Valbuena, Chairman, MANIBELA.

Sa oras aniya na hindi sila pakikinggan ng MMDA, handa silang dumulog sa Korte Suprema ngayong linggo upang maghain ng Temporary Restraining Order.

Samantala, nire-respeto naman ng MMDA ang mga hinaing ng grupo patungkol sa NCAP.

Ngunit, mismong Korte Suprema na umano kasi ang nag-desisyon ukol dito.

“The purpose of the NCAP ay hindi lang naman para manghuli it’s not about apprehension, its not about just violating the traffic rules and regulations. Tandaan natin this is also for public safety. Sana makita ng ating mga motorista the goods of its NCAP,” ayon kay Gabriel Go, Head, Special Operations Group, MMDA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble