Subdivision gates posibleng buksan dulot ng EDSA Rebuild Project

Subdivision gates posibleng buksan dulot ng EDSA Rebuild Project

NAGLABAS kamakailan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng listahan ng mga alternatibong ruta kaugnay ng nakatakdang pagsisimula ng EDSA Rebuild Project sa Hunyo 13.

Ang hakbang ay naglalayong maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko kasabay ng pagsisimula ng rehabilitasyon sa EDSA.

Kabilang sa mga nakikitang solusyon ay ang libreng toll fee sa Skyway Stage 3, pagdaragdag ng bus units sa EDSA busway, karagdagang tren sa MRT-3, pagpapatupad ng odd-even scheme, at iba pa.

Iminungkahi rin ng urban planner na si Architect Jun Palafox ang pagbubukas ng mga kalsada sa loob ng mga gated community at kampo-militar na tumatakbo nang parallel sa EDSA. Kalakip din ng mungkahi ang pagtatayo ng pedestrian at bicycle bridges sa kahabaan ng lansangan.

Tugon dito ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, aktibo na itong pinag-aaralan ng MMDA, lalo na ang pagbubukas ng mga gated subdivisions na posibleng makatulong sa mas mabilis at maayos na daloy ng trapiko.

Sang-ayon si Dizon sa panukala ni Palafox na dapat ay isulong ng pamahalaan ang pagbubukas ng mga kalsada sa mga pribadong komunidad at kampo, sapagkat ito’y para sa kapakanan ng nakararami.

“I think pinag-aaralan na ng MMDA iyan, lalo iyong pagbubukas ng mga subdivisions. I think that is very valid from Architect Jun, that the government should push for that. Kasi ano na iyan, kumbaga para sa public good na iyan. And I think our private subdivisions have to understand that the public good always prevails over private rights. So, I think MMDA is already looking into that,” ayon kay Sec. Vince Dizon, DOTr.

Panawagan na i-exempt ang mga senior citizen sa pagpapatupad ng odd-even scheme, pag-aaralan ng MMDA

Kaugnay pa rin ng EDSA Rebuild Project, inilahad ni Atty. Victor Maria Nuñez, pinuno ng MMDA Traffic Discipline Office, na kasalukuyan nilang pinag-aaralan ang panawagang i-exempt ang mga senior citizen mula sa ipatutupad na odd-even scheme.

Ayon sa mga nananawagan, maraming senior citizen ang umaasa sa pribadong sasakyan upang makarating sa kanilang checkups at medical appointments.

Gayunman, nilinaw ni Nuñez na wala pa silang natatanggap na pormal na request mula sa kongresista ng Senior Citizens Party-list kaugnay ng panukalang exemption.

Sa kabila ng sari-saring request na natatanggap nila kaugnay ng nasabing polisiya, iginiit ni Nuñez na kailangang pag-aralan ito nang mabuti upang matiyak na hindi ito magiging hadlang sa inaasahang completion timeline ng proyekto.

“Marami na rin ang tumatawag sa amin ng iba’t ibang request for the odd-even scheme so we will study it kasi baka ma-defeat naman po iyong purpose since ang hinahabol nating timeframe para sa EDSA Rebuild is only 18 to 24 months.”

“Papakinggan ho namin but at the end of the day, it’s the final decision of our chairman kung magga-grant ho siya ng mga exemptions,” wika ni Victor Nuñez, Head, MMDA Traffic Discipline Office.

Ang rehabilitasyon sa EDSA ay inaasahang magtatagal hanggang 2027.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble