Submarine cable, nakikitang solusyon sa problema sa suplay ng kuryente sa Mindoro

Submarine cable, nakikitang solusyon sa problema sa suplay ng kuryente sa Mindoro

TINITINGNAN ngayon ng gobyerno ang pagkonekta sa dalawang probinsiya ng Mindoro sa grid sa pamamagitan ng isang submarine cable.

Ito ay bilang pangmatagalang solusyon sa kanilang mga alalahanin sa suplay ng kuryente.

Ginawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pahayag nang tanungin sa isang panayam ng media sa San Jose, Occidental Mindoro tungkol sa pinakamabilis at pinakamahusay na solusyon sa problema ng kuryente sa Oriental at Occidental, Mindoro.

Dagdag pa nito, ang pinakamabilis na solusyon ay sa pamamagitan ng solar power, na maaaring dagdagan ng iba pang pinagmumulan ng kuryente tulad ng hangin, hydro, at geothermal.

Binanggit din ng Pangulo na ang lahat ng posibleng pagkukunan ng enerhiya ay pinag-aaralan ng gobyerno bukod pa sa pagpapalakas ng sistema.

Nang tanungin tungkol sa posibilidad na pag-alis ng mga lalawigan ng Mindoro sa power supply agreement sa power generator, sinabi ni Pangulong Marcos na kasalukuyang nakikipagnegosasyon ang Energy Regulatory Commission (ERC) para sa pagpepresyo ng kuryente para sa dalawang lalawigan.

Kapag natapos na ito, maaaring isaalang-alang ng gobyerno ang pag-subsidize ng enerhiya sa lalawigan.

Kaugnay sa pagkawala ng kuryente sa Occidental Mindoro, may sapat pa aniya na suplay ng kuryente para sa lalawigan.

Inilahad pa ng pamahalaan na nagtra-trabaho ito upang matugunan ang tripping sa mga power plant at substation para maiwasan ang power interruptions.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter