NAGKAROON ng pagpupulong kagabi ang iba’t ibang stakeholders sa sugar industry ng bansa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Batay sa Facebook post kagabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, naganap ang pagpupulong araw ng Miyerkules mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Kasama dito ay mga delegado ng sugar farmers, millers, sugar workers at refiners sa bansa.
“First of all, we thanked the President for not allowing too much importation of sugar to the country that would have affected hundreds of thousands of local farmers and farm workers all over the country,” pahayag ni Senator Zubiri.
Tinalakay aniya sa naturang pagpupulong ang kontrobersyal na importasyon ng asukal at mga kinahaharap na problema ng mga sugar farmers ngayon.
Ayon kay Zubiri, nanguna sa nasabing delegasyon, nagpasalamat ang mga dumalo sa pagpupulong kay PBBM matapos na hindi payagan ng Pangulo ang pag-angkat ng asukal na nasa 300,000 Metric Tons.
Aniya, ang sobra-sobrang importasyon ay malaki ang epekto sa daang libong local sugar farmers sa bansa.
Naging maayos naman ang pakikipagpulong nila kay PBBM.
Sinabi ni Zubiri, nalinawan sila na kailangan pa rin mag-import ng konting asukal para sa demand subalit hindi katanggap-tanggap na sa halip na 150,000 metric tons ay doble ang pinayagan ng nagbitiw na opisyal ng Sugar Regulatory Board.
“We however acknowledged the need to import a smaller amount for the industrial and household consumers, as the consensus using available data on the remaining demand was to import at only 150,000 MT. Far from the planned 300,000 MT initially signed off by the resigned Sugar Regulatory Board,” saad ni Zubiri.
Maliban kay Zubiri dumalo rin sa naturang pagpupulong sina Vice Gov. Jeffrey Ferrer ng Negros Occ., Pablo “Pablum” Lobregat ng Philippine Sugar Millers Association, Rene Cabati at Lance Gokonwei ng Universal Robina Corporation at marami pang iba na idenetalye naman sa social media post ni Zubiri.
May mga inilatag aniya sila sa Pangulo na mga solusyon para maibaba ang presyo ng asukal sa merkado pero ipinauubaya na lamang nila sa Pangulo ang pag-anunsyo nito sa tamang oras.