SINABI ng Department of Education (DepEd) na magpapatuloy pa rin ang summer classes para sa taong 2020-2021 ngunit babaguhin ito depende sa pagbabagong ginawa sa kasalukuyang school calendar.
Summer classes magpapatuloy ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, pinag-uusapan pa ng kanilang departamento sa ngayon ang adjustments na gagawin.
Base sa school calendar and activities for SY 2020-2021 o DepEd Order No. 0030 Series of 2020 na inisyu ni Education Secretary Leonor Briones noong October 2, 2020, inaasahang dumalo ang mga studyante ng summer class na magsisimula sa Hunyo 14 hanggang Hulyo 23.
Kasama sa highlights ng inamyendahang school calendar ay ang intervention at remediation activities para sa mga mag-aaral mula March 1 hanggang 12 at ang in-service training (INSER) para sa mga teachers simula March 15 hanggang 19.
Ang isa pang highlight ng school calendar ay ang pagbabago ng natitirang quarters kung saan magsisimula ang quarter 3 sa Marso 22 hanggang Mayo 15, 2021 at ang simula naman ng quarter 4 ay sa Mayo 17 hanggang Hulyo 10, 2021.
Sinabi din ng DepEd na ang mga pagbabagong ito ay upang mabigyan ang mga paaralan na makapagpatupad ng “Intensive Intervention and Remediation” activities para sa mga mag-aaral at mabigyan ang mga guro ng dagdag oras upang mag-adjust para sa ibang learning delivery modalities.