HINDI na sapat ang kinikita ni Aling Sherlyn sa pagbebenta ng banana cue at turon dahil sa mahal na sangkap na ginagamit tulad ng asukal.
P2,000 ang kinikita niya kada araw ngunit babawasan pa ito ng P1,000 na pambayad sa renta at iba pang gastusin.
Kaya, malaking bagay na sana aniya kung hindi magtaas presyo sa asukal para makabawi man lang.
“Dati nasa P65 ngayon nasa P75 na. Malaki talagang problema kasi mataas ang asukal. Nililiitan ko na lang ‘yung pambalot ng asukal, konti konti na lang ang nilalagay ko para magkasya lang,” ayon kay Sherlyn Espinada, Tindera.
Sa tindahang ito, tumaas ang iba’t ibang klase ng asukal gaya ng light brown at golden brown.
Habang wala namang paggalaw sa iba gaya ng sa washed sugar na nasa P78/kg at white sugar na nasa P80/kg.
“Tumaas po dahil kulang kasi sa suplay nagkakaubusan din po ata ang sa mga factory. Sa presyo maraming nagrereklamo,” dagdag nito.
Pero, ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA) sapat naman anila ngayon ang suplay ng asukal sa bansa kaya’t hindi tamang magtaas ang presyo nito sa merkado.
Kung pagbabasehan anila kasi ang price monitoring ng DA naglalaro lang sa P60 hanggang P74 ang presyuhan ng asukal.
Sa ngayon ay nasa 800,000 metric tons na lang ang suplay ng asukal sa bansa habang nasa 242,000 MT naman ang demand dito kada buwan.
Aminado ang SRA na magtatagal na lamang ito ng higit 3 buwan kaya ngayon pa lang ay pinag-uusapan na ng SRA at DA ang importation plan.
“Opening of milling is September 15 however we have to remember we need a 2 months buffer stock all the time to keep the prices stable,” wika ni Pablo Azcona, Administrator, SRA.
Una na ring sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kailangang mag-angkat ng 200,000 metriko tonelada ng refined o puting asukal.
Ito ay upang punan aniya ang kakapusan ng asukal sa bansa.
“’Yung current stocks bababa na by August, September, so we have to have a sugar by, gap sugar ng 200,000 MT at least by September, October, then milling na rin tuloy na naman,” wika ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Tiniyak naman ni SRA Administrator Azcona na dadaan sa tamang proseso nila ng pag-aangkat ng asukal dahil alam na aniya ito ng mga stakeholder matapos ang kanilang konsultasyon.
Posibleng ilabas ang Sugar Order ngayong buwan ng Hulyo.
“‘Yung marching order sa atin is to import if we need it and when we need it and ‘yung sapat lang na volume not to affect ‘yung local farmers natin and to always ensure na ‘yung retail consumer have a stable supply and stable price,” saad ni Pablo Azcona, Administrator, SRA.