IGINIIT ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na sapat ang suplay ng isda sa bansa kung kayat hindi napapanahon ang pag-aangkat ng isda.
Ito ang binigyan-diin ng tagapagsalita ng BFAR na si Nazario Briguera.
Kasunod na rin ito sa kanilang natanggap na mga balita na mayroon umanong decrease sa produksyon ng isda.
Giit nito, prayoridad ng BFAR kasabay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tutukan ang lokal na produksyon ng mga mangingisda.
Base na rin sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa higit 1.2 milyong metriko tonelada ang produksyon ng isda sa bansa.
At ito ay tumaas ng 5.6% kumpara noong nakaraang taon, aniya sasapat pa ang suplay ng isda sa ating bansa hanggang sa katapusan ng 2022.
Ani Briguera, sa kasalukuyang sitwasyon hindi napapanahon ang pag-aangkat ng isda dahil sapat pa ang suplay nito.
Samantala, isang media tour ang naganap ngayong Miyerkules sa Tanay, Rizal kung saan, ibinida ng BFAR-National Inland Fisheries Technology Center ang isa sa kanilang mga hatchery center kung saan dito isinagawa ang breeding process ng mga native isda.
Isa ito sa kanilang adbokasiya para muling pasiglahin ang mga katutubong fresh water species upang mapataas ang lokal na produksyon ng sektor ng pangisdaan sa pamamagitan ng aquaculture.
Kabilang dito ang mga isdang biya, ayungin, dalag, martiniko, carp, ulang at iba pa.
Ang mga isdang ito, ay kabilang sa mga yamang tubig sa loob ng bansa na nakaranas ng mabilis na pagbaba dahil sa ilang mga kadahilanan tulad ng labis na pangingisda, pagbaba ng kalidad ng tubig, siltation, iligal na pangingisda, at pagbabago ng klima.
Sa pamamagitan ng Indigenous Freshwater Fish Hatchery ng NIFTC, mapaparami nito ang iba’t ibang uri ng fresh water fish.
Sa katunayan, ang mga fingerling ay ibinibigay sa mga fisherfolk partikular sa mga tinamaan ng mga bagyo na naapektuhan ang kanilang hanapbuhay.
Sa pamamagitan din ng pagpaparami ng semilya ng mga native isda, makatutulong ito bilang pagtiyak na rin sa food security at food sufficiency kasunod pa rin ng direktiba ng Pangulo.