BUKAS ang AFP para tumugon kung kinakailangan para sa pagbangon ng mga apektadong residente sa Japan matapos itong makaranas ng malakas na pagyanig nitong New Year.
Sa kabila ng masayang pagdiriwang ng mga tao para salubungin ang Bagong Taon, may mga komunidad na nahaharap sa iba’t ibang hamon sa buhay at hagupit ng kalamidad.
Isa na rito ang bansang Japan, kung saan maraming residente ang nasawi at mga ari-ariang napinsala dulot ng malakas na 7.6 magnitude na lindol na tumama sa western coast ng Japan.
Kaugnay rito, bilang kaibigang bansa pagdating sa usapin ng depensa at regional cooperation, personal na nagpaabot si AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr. ng kaniyang pakikiisa at pagsuporta sa pamunuan ng Japan Self-Defense Force.
“The Armed Forces of the Philippines (AFP) stands in unwavering solidarity with the Japan Self-Defense Force (JSDF) following the recent 7.6 magnitude earthquake that struck Japan’s western coastline on January 1, 2024,” pahayag ni Gen. Romeo Brawner, Jr. PA, Chief of Staff, AFP.
Ayon kay General Brawner, nakahanda ang kanilang hanay para umalalay sa mga kinakailangang tulong sa mga apektado ng kalamidad katuwang ang Japan Self-Defense Forces.
Matatandaang agad na nagpalabas ng isang major tsunami warning ang mga awtoridad ng Japan kasunod ng nangyaring malaking lindol sa lugar.
“Recognizing the severity of the situation and the subsequent issuance of major tsunami warnings, the AFP extends its support and sympathy to the Japanese people. The AFP remains committed to fostering strong bonds of friendship and cooperation with the Japan Self-Defense Force, united in our shared dedication to safeguarding the well-being of our respective nations and contributing to global peace and security,” dagdag ni Brawner.
Sa gitna aniya ng mga kahalintulad na pangyayari, mahalaga aniya ang international cooperation lalo pa’t malalim ang relasyon ng Pilipinas sa bansang Japan dulot ng pagtutulungan nito sa maraming pagkakataon.
“In times of crisis, international cooperation becomes paramount, and the AFP expresses its readiness to collaborate with the JSDF in any way deemed necessary,” ani Brawner.
Matatandaang, niyanig ng magnitude 7.6 na lindol ang Central Japan kasabay nito ang pagpapalabas ng tsunami warning para sa mga nakatira sa West Coast.
Ayon sa ulat, nawalan ng kuryente ang libu-libong kabahayan at naantala ang operasyon sa ilang paliparan at tren sa apektadong rehiyon at posible pa anila itong masundan ayon sa mga awtoridad.
Wala pa namang naiuulat na nasawi subalit mayroon nang ilang iniulat na mga gusaling nagiba o nagkabitak-bitak.
Mga manggagawang Pinoy, nananatiling ligtas ayon sa embahada ng Pilipinas sa Japan
Sa kabilang banda, sa panayam ng SMNI kay Philippine Ambassador to Japan Mylene Albano, wala naman aniyang Pilipinong naiulat na nasawi sa nasabing kalamidad.
Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng embahada ng Pilipinas sa pamahalaan ng Japan sa mga datos na kailangan para matiyak na walang Pilipino na naapektuhan sa nasabing lindol.
Ang mahalaga aniya sa ngayon, ligtas na ang mga Pinoy sa Japan matapos ibaba sa ang tsunami alert sa apektadong rehiyon.
Nagkaroon na rin ng maraming aftershock ng lindol kaya hindi muna pinauuwi ang mga residenteng apektado ng sakuna.