ISANG pambihirang water falls ang dinarayo ngayon sa Sultan Kudarat na may kakaibang rock formation at turquoise blue na tubig.
Tinanghali na ng dating si Marvin sa Sitio Bialong sa Brgy. Polomolok, Columbio, Sultan Kudarat.
Galing pa siyang Maynila at dumayo lamang sa lugar para suriin kung totoo nga ba ang mga nababasa niya sa social media patungkol sa Pangadilan Falls and Rock Formations.
At ayon kay Marvin, sulit ang kaniyang pagbisita.
“Sobrang ganda, hindi ko rin ma-describe. First time ko lang nakita so mahirap ang daan papunta rito, okay naman… Sulit naman,” ayon kay Marvin Pallones, Turista sa Pangadilan Falls.
Sa unang tingin, parang wala ka sa Pilipinas kapag nasa gitna ka ng Pangadilan Falls dahil sa kakaiba nitong rock formations.
Sinabayan pa ng turquoise blue na tubig mula sa kabundukan.
Ayon sa mga local dito, ang spot na to ang pinaka perfect, na talagang paborito ng mga dumarayo sa falls. Dahil picture perfect anila ang spot na’to. At sa mga nagtatanong, kung totoo ba itong rock formations? Mga kababayan, totoong totoo po ito at hindi po ito artificial.
“Totoo po ang ating rock formation, natural po. Buhay na bato ang Pangadilan Falls and Rock Formation po,” saad ni Dets Usman Plang, Co-owner ng Pangadilan Falls.
“Kung papansinin mo, layered itong mga bato, para siyang cake. Para siyang cake no? Yung iba sabi nila artificial-pinagpatong na hollowblock pero hindi po siya artificial, natural yan. Sa geology, nakalagay ang tinatawag na sediments-marine sediments. Ibig sabihin, noong unang panahon, millions of years ago maybe 20 30 million years ago nasa ilalim ng dagat yan. Nagpatong-patong yung mga sediments na yan tapos at certain point in time, inakyat yan sa taas kaya ayan ang nangyari,” pahayag ni Dr. Carlo Arcilla, Professor, National Institute of Geological Sciences, UP Diliman.
Malaking tulong sa kabuhayan ng mga taga sitio ang talon.
Magmula sa tour guide, mga maliliit na tindahan, habal-habal driver pati mga bantay sa paligid ay kumikita dahil dito.
“Sobrang laki po ng naitulong po. Sobra po. (Sa kabuhayan?) Oo, sa kabuhayan, pati isa na po akong owner dito malaking tulong po sa amin,” ayon naman kay Dets Usman Plang, Co-owner ng Pangadilan Falls.
Isa sa mga hamon sa pagpunta sa lugar ay ang maayos na kalsada.
Kaya hiling nila sa national government ang accessible na mga daanan.
Bagay na tinututukan ngayon ng Sultan Kudarat Provincial Government.
“Oo, yun po talaga ang importante Sir, kalsada. Ang access, ang road po talaga,” dagdag ni Plang.
P50 pesos lamang ang entrance papasok ng Pangadilan Falls.
P200 naman para sa bawat cottage.
Bisitahin lamang ang kanilang official Facebook page para sa karagdagang impormasyon.