MAY isang lugar sa Mindanao ang dinarayo ngayon ng mga turista dahil sa mala ‘New Zealand’ nitong vibe.
Ang lugar ay nagbibigay trabaho sa maraming indigenous peoples (IPs).
Niyaya naman nila si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na bumisita sa lugar.
Alas kwatro ng madaling araw, gising na kami para bumiyahe sa bulubunduking bahagi ng Sultan Kudarat.
Pagkatapos ng isa’t kalahating oras na biyahe galing Tacurong City ay narating namin ang munisipalidad ng Columbio.
Ang bumungad sa amin dito ay ang napakagandang Mountain Ridge ng La Palmera.
Ang lugar ay nasa pangangalaga ng B’laan Tribe.
Sa pangunguna ng Tamles clan, mga tagapagmana nina Datu Badal at Datu Imbrahim Tamles.
Ngayon, ang kabundukan, nagbibigay ng kabuhayan sa mga katutubo dito dahil sa turismo.
Ayon sa management, hindi talaga bukas ang lugar sa publiko.
At nito lamang panahon ng pandemya nang mapadalas ang dayo ng mga turista.
“Nakikita namin siya parang regular lang siya na tanawin ng mga locals dito. Pero nagtataka na lang kami bakit ganun yung impact niya sa ibang mga turista sa public. Iba yung impact niya doon sa public. So, narealize nila ay, amazing pala talaga itong lugar natin. Doon lang nila na-realize,” ayon kay Jerebelen Javier, Owner and Manager, La Palmera Mt. Range.
La Palmera ang tawag sa lugar dahil hitik sa palm trees ang paligid nito.
Marami ang nagsabi na mala ‘New Zealand’ ang vibe ng La Palmera.
Na sa unang tingin, hindi mo aakalain na sa Pilipinas lang pala, sa Mindanao, sa probinsiya ng Sultan Kudarat.
“Maraming nagsasabi mga reviews na New Zealand in the Philippines daw pero New Zealand is New Zealand. Siyempre ang ganda po ng place nila, napakalamig. And we have this unique naman na tropical din na klima. Dito kasi lahat ng klaseng klima andito eh,” dagdag ni Javier.
Ang lugar ay suportado ng Sultan Kudarat Provincial Government pati na ng Columbio Municipal Government.
Puwede sa lugar ang camping, star gazing, mountain climbing, motor and bike trail lalo na ang photo and video shoot.
Ang lugar ay may 3 para sa nabanggit na activities.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na naka-angkla sa pagpapalakas ng domestic tourism ang kaniyang administrasyon.
Malaking patunay rito ang pagpunta kamakailan ni Tourism Secretary Garcia-Frasco sa Sultan Kudarat.
Kaya ang hiling ng management kay Pangulong Marcos ay bisitahin ang kanilang lugar.
Pangulong Marcos, inimbitahang bumisita sa La Palmera Mountain Ridge
“Sana po makapasyal kayo dito, para makita niyo po yung ganda po ng ating lugar ng buong Pilipinas,” mensahe naman ni Javier.
“Kasi this is a pride not just in our barangay but the whole of the Philippines,” ayon pa kay Javier.
May request din sila sa pangulo para sa pagpapabuti ng access sa lugar.
“Sana magkaroon po kami ng magandang kalsada, oo kasi a lot of guest, hindi lamang ano dito sa locals pero mga international rin na mga guest namin from the states and other countries they’re asking talaga, Maam the view is beautiful yun lang talaga. Please make it accessible,” dagdag ni Javier.
Kung paano makapupunta dito, narito ang mga ruta na puwede ninyong sundin kahit manggaling man kayo ng General Santos Airport o Cotabato Airport.
via General Santos City to La Palmera:
– Mag-book ng eroplano papuntang General Santos City
– Pagdating ng GenSan, sumakay ng bus papuntang Tacurong City
– Mula Tacurong, sumakay ng van o bus papuntang Datu Paglas
– Pagdating ng Datu Paglas, sumakay ng habal-habal paakyat ng La Palmera
Via Cotabato City to La Palmera:
– Mag-book ng eroplano papuntang Cotabato Airport
– Pagdating ng Cotabato, sumakay ng bus o van papuntang Tacurong City
– Mula Tacurong, sumakay ng van o bus papuntang Datu Paglas
– Pagdating ng Datu Paglas, sumakay ng habal-habal paakyat ng La Palmera