KINONDENA ng ilang eksperto ang ginawang talumpati ni Rappler CEO Maria Ressa sa Oslo, Norway.
Ayon sa bumubuo ng Integrated Development Studies Institute na nakabase sa Maynila, pawang kasinungalingan ang mga pinagsasabi ni Ressa sa harapan ng mga banyaga.
“Every day, I live with the real threat of spending the rest of my life in jail just because I’m a journalist. When I go home, I have no idea what the future holds, but it’s worth the risk.”
Ito ang pahayag ni Maria Ressa na bahagi ng kanyang talumpati sa Oslo nang tanggapin nito ang Nobel 2021 Peace Prize.
Iginiit nito ang patuloy na panggigipit sa kanya ng pamahalaang Duterte partikular na sa laban aniya ng mga katulad niyang journalist sa malayang pamamahayag o press freedom.
Pero, hindi sang-ayon dito ang grupo ng mga eksperto sa mga pahayag na binitawan ni Maria Ressa habang nagsasalita ito sa harapan ng mga banyaga sa Oslo.
Sa kanyang acceptance speech, iginiit ni Ressa ang aniya’y pagiging biktima niya sa malayang pagpapahayag.
Ayon sa Integrated Development Studies Institute, isang kilalang grupo ng mga eksperto sa Pilipinas, hindi totoo ang banta sa buhay ni Ressa, at hindi rin siya pinigilan na umalis ng bansa para dumalo sa nasabing aktibidad.
Tugon pa ng grupo sa pamunuan ng Nobel prize, sa kabila ng pagsasara ng media outlet nitong Rappler dahil sa kawalan ng prangkisa at SEC registration, patuloy pa rin itong nakakapagpalabas ng mga artikulo.
Kapansin-pansin rin na kadalasan sa mga pahayag nito ay pawang pagkondena sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa katunayan anila, patuloy na tinatamasa ni Ressa ang kalayaan nito at magandang buhay sa Pilipinas sa kabila ng mga kinasasangkutan nitong kaso gaya ng tax evasion, cyber libel, at iba pa.
Malaya rin itong nakakapagbiyahe sa loob at labas ng bansa na pawang may pahintulot mismo ni Pangulong Duterte.
Hunyo 15, 2020 nang hatulang“guilty” ng korte si Maria Ressa dahil sa kasong cyber libel na isinampa ni Wilfredo Keng, isang property developer na pinaratangan sa isang artikulo ng Rappler na may kaugnayan sa mga iligal na aktibidad gaya ng droga, human trafficking at murder.
Sa desisyon sa sala ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa, hinatulan nang walang pag-aalingan si Ressa na makulong ng mula anim na buwan hanggang anim na taon kasama ang dating Rappler researcher/writer na si Reynaldo Santos Jr.
Ayon sa korte, mapanira ang naging paratang laban kay Keng at hindi ito kinumpirma sa mga awtoridad.
Sa kabilang banda, nito lamang Linggo sa kanyang pagdalo sa US Democracy Summit ngayong taon, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na nananatiling matatag ang demokrasya ng Pilipinas at parehong malaya ang mga Pilipino at ang bansa.
Ani Pangulong Duterte, sa kanyang nalalabing panahon sa pwesto at sa pagtatapos nito, iginiit niyang hindi siya nagkulang sa kanyang mandato na mapaglingkuran ang sambayanang Pilipino.
“Philippine democracy is indeed work in progress, but the Filipino is free and the Philippines is free,” pahayag ni Pangulong Duterte.
“I step down in June 2022. The work of our imperfect democracy will certainly continue. My administration will ensure an honest, peaceful, credible ang free elections in May.”
“It will be my highest honor to turn over the reins of power to my successor knowing that in the exercise of my mandate I did my best to serve the Filipino nation.”