PATULOY na hinihikayat ang mga commuters na sumakay sa Pasig River Ferry service ang alternatibong transportasyon upang iwas trapiko ngayong Kapaskuhan.
Bukod sa wala nang traffic, libre pa ang pamasahe.
Bumabalik na sa pre-pandemic situation ang dami ng mga sasakyang nasa labas ngayon mula nang mag-Alert Level 2.
At ngayong papalapit na ang Pasko, halos bumper to bumper na ang mga sasakyang bumabagtas sa mga pangunahing kalsada tuwing Christmas rush hour.
Kaya marami na dito na patungong Quiapo na sumakay ng Pasig River Ferry o ang alternatibong transportasyon upang iwas traffic.
Bukod sa mabilis ang biyahe ay libre pa ang pamasahe, at mae-enjoy pa ang view ng Pasig River.
Pinarami na rin ang mga bangka ng Pasig River Ferry para ma-accommodate ang lahat ng mga nais sumakay.
Hindi tulad dati na dalawang ferry lang ang ginagamit, ngayon mayroon ng 14.
Pito sa mga ito ay bago at dalawa ay bigay ng Pasig at ang iba ay donasyon.
“Dire-diretso ang takbo ng ating mga bangka. Kaya po sinusunod po namin yung preventive maintenance. Ang amin pong mga ferry stations, bagong renovate po. At mayroon pong dalawang bago na binuksan. Ito po ay sa Kalawaan at sa Quinta Market sa Manila. Masasabi po natin na ang schedule naman po ng alis at ng dating ng ating bangka ay nasusunod,’’ayon kay Atty. Romando Artes – General Manager, MMDA.
Mas mabilis ito kumpara sa pagsakay ng jeep na aabot ng halos dalawang oras ang biyahe.
Sa pamamagitan ng Pasig River Ferry, nasa 20 minutes lamang ang biyahe mula Pasig City hanggang Guadalupe.
Isang oras at sampung minuto naman mula Pasig hanggang Quiapo.
Habang 55 minutes lang ang aabutin mula sa istasyon sa Guadalupe papuntang Escolta sa Maynila.
“Actually sa ngayon nasa 50% capacity pa lang din kami to effectively maintain the social distancing,”saad ni Artes.
“Mayroon naman po tayong mga bagong bangka. Ang mangyayari lang po nito ay mas dadalasan po natin yung biyahe kapag talaga pong dumami yung pasahero. Sa ngayon po, halos triple na po ang sumasakay compared noong mayroong tayong ECQ,” dagdag nito.
Bukas ang Pasig Rivery Ferry mula 6AM hanggang 6PM.
May labingdalawang istasyon ito sa ngayon ayon sa MMDA na madagdagan pa sa Lungsod ng Marikina at Taguig at sa probinsiya ng Rizal.
Sinisiguro ng MMDA na ligtas ang pagsakay dito, bago ang mga bangka at lahat ay may life jackets.
May mga rescue boats din na nakaantabay sa kahabaan ng Pasig River.
Karamihan naman daw sa mga sumasakay dito sa ferry ay yung mga mamimili sa Divisoria lalo pa’t magpapasko ngayon.
Dahil bukod sa makakaiwas sila sa traffic, ay libre pa ito kaya pandagdag budget na rin nila.