NAGSAGAWA ng raid kamakailan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa apat na mga manufacturer ng ilegal na sigarilyo sa Gitnang Luzon partikular sa probinsiya ng Pampanga.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., pinapalabas ng mga ito na gumagawa at nag-i-export sila ng sigarilyo.
Sa naturang raid ng BIR, mahigit 60 milyong sigarilyo ang kanilang nasabat.
Nasa 65 na mga makina naman na ginagamit sa paggawa ng sigarilyo ang nakita ng mga tauhan ng BIR. Ang mga ito ay ilegal at hindi rehistrado.
Base sa assessment ng BIR, nasa mahigit P8B ang nadiskubreng tax liability mula sa binubuong mga ilegal na sigarilyo at makina.
Inihayag ni Lumagui na isa ito sa malalaking illicit cigarette operation na isinagawa ng ahensiya.
Iginiit naman ng BIR chief na maraming naging paglabag ang mga negosyanteng sangkot sa mga operasyon ng mga nasabing pabrika, base na rin sa National Internal Revenue Code.
Ipinaliwanag ni Lumagui na kapag nagmamanupaktura ng sigarilyo, unang-una, dapat irehistro ng kompanya ang mga makina nila gayundin ang brands na ipo-produce.
At kung ibebenta naman locally, ay kailangang magbayad ng excise tax.
“Ngayon dito sa nakikita natin, ‘yung mga makinang ginagamit para mag-manufacture ng sigarilyo ay hindi rehistrado, so isang violation po ‘yan. At violation din ang hindi pag-rehistro ng mga brands ng mga sigarilyo. At dahil nakita natin na ibinebenta ito dito sa ating bansa, that’s another violation,” pahayag ni Romeo Lumagui, Jr., Commissioner, BIR.
Saad ni Lumagui, iba-ibang parusa ang ipinapataw para dito tulad ng multa na aabot sa P50M at may pagkakakulong na mahigit 20 taon.
“Or aabot sa 20 years ang isang offense pa lang. So marami silang kahaharapin bukod doon sa kailangan nilang bayaran ang mahigit 8 billion pesos,” dagdag ni Lumagui.
Binanggit pa ng opisyal na patuloy na nakatutok ang BIR sa pagri-raid sa mga ilegal na pagawaan ng mga sigarilyo sa bansa.
Malaki rin kasi ang nawawala na buwis at kita ng gobyerno na dapat sana ay magamit para sa healthcare services na makatutulong sa mga mamamayan.
“Dahil parte ng nakokolektang excise tax sa mga sigarilyo at sa mga vape products na ito, sa mga SIN taxes ay napupunta sa healthcares services,” aniya.
Layunin din ng ahensiya na proteksiyunan ang mga magsasaka sa tobacco industry maging ang mga lehitimong negosyante na nagbabayad ng tamang buwis.