Telco companies, umalma dahil hindi sila kinonsulta sa Konektadong Pinoy Bill

Telco companies, umalma dahil hindi sila kinonsulta sa Konektadong Pinoy Bill

PIRMA na lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hinihintay upang maging ganap na batas ang Konektadong Pinoy Bill.

Layon ng panukala na pababain ng hanggang 50% ang presyo ng internet at pabilisin ang broadband expansion sa buong bansa.

Kabilang din sa mga layunin nito ang pagsasaayos ng permit process, paghikayat sa infrastructure sharing, at pag-alis ng requirement ng prangkisa para sa mga internet service provider.

Ngunit ayon sa mga pangunahing telco tulad ng Smart at Globe—hindi sila kinonsulta habang binubuo ang panukala.

“Ang tampo po namin, hindi naman po kami nakasama noong ginagawa itong bill na ito. Talaga hong hindi kami nakonsulta eh kami naman po ‘yung pinaka-matatamaan.”

“Sana naman kung nasali kami sa proseso, kami na yung nagbusisi. Kami na yung nagtanong,” saad ni Atty. Roi Ibay, VP for Regulatory Affairs, Smart Telecom.

“Dapat po talagang mabusisi ito in a public hearing. Hindi po ‘yung tinago po ‘yung mga changes doon sa batas. Nabulaga na lang kami, may committee report na. May changes pero wala kaming participation. Hindi kinonsider ang aming position papers,” ayon kay pahayag ni Atty. Ariel Tubayan, VP for Legal Policy Group, Globe Telecom.

Ilang probisyon ng Konektadong Pinoy Bill, pinalagan ng Smart at Globe

Isa sa mga kinuwestiyong probisyon ay ang pag-alis ng prangkisa bilang requirement para sa mga papasok sa industriya bilang internet provider.

“Sa mga kakarenew lang ng franchise, unfair ito lalo na if you are providing data transmission services. Kasi medyo mahirap din dinaanan mo ‘to renew your franchise, tapos ‘yun pala after a year or two, hindi na pala kailangan. Medyo unfair ‘yun,” dagdag ni Tubayan.

Pinalagan din nila ang panukalang infrastructure sharing, kung saan makikigamit ang mga bagong providers sa mga towers ng kasalukuyang telcos. Ayon sa kanila, posible itong magdulot ng aberya at paghina ng signal.

Dahil dito, nananawagan ang Smart at Globe sa Pangulo na i-veto ang panukala at magsagawa ng masusing public hearing.

Kung hindi raw sila pakikinggan, nangangamba ang mga telco sa posibleng epekto sa mga lokal na kompanya, lalo na kung matabunan sila ng malalaking dayuhang kompanya.

“That’s what scary, kasi itong mga giant na ito kaya talaga nilang tabunan. Sino ba naman ang mga local players compared to technology giants like Elon Musks and Jeff Besus? Yun ‘yung nakakatakot.”

“If this bill will not be modified, amended or vetoed, then makikita na lang po talaga natin kung anong magiging epekto nito sa ating local industry, telecom industry,” saad ni Ibay.

Nababahala rin ang mga telco sa posibilidad na, sa halip na bumaba, lalo pang tumaas ang presyo ng internet.

“Maraming papasok na big players, mawawala ang small players. Kapag nawala ‘yung small players, magtataas ngayon ang presyo ng big players. Ganoon ang mangyayari. Gaya noong nangyaring Starlink ni Atty. Ibay, biglang tumaas after one year without notice,” dagdag ni Tubayan.

“Napakadaling sabihin na more players will dive down the costs eh. But it really depends on the significant market.”

“You cannot take that sweeping statement as a hard conclusion that it will just lower the [prices]. Palagay ko… well abangan na lang nila kung anong mangyayari. I’m fearful really of what’s bound to happen especially to the smaller players,” dagdag ni Ibay.

Kung tuluyang maipapasa ang panukala sa kasalukuyang anyo nito, pinag-aaralan na ng mga telco ang posibilidad ng paghahain ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestyunin ang ilang probisyon ng Konektadong Pinoy Bill.

Patuloy ang panawagan ng telco companies sa mas malawak na konsultasyon at masusing pag-aaral sa panukala upang matiyak na hindi maaapektuhan ang lokal na industriya at ang kalidad ng serbisyo para sa mga Pilipino.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble