Termino ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda, tatagal hanggang sa March 2024

Termino ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda, tatagal hanggang sa March 2024

KINUMPIRMA na ng Philippine National Police (PNP) ang extension sa termino ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda, Jr., araw ng Linggo nang ipagdiwang ni General Acorda ang ika-56 na kaarawan ang mandatory retirement age sa PNP.

Naniniwala ang PNP na isa sa mga konsiderasyon sa pagpapanatili sa posisyon kay Gen. Acorda ay dahil sa maganda nitong pamamalakad sa loob ng organisasyon.

Ito’y sa kabila anila ng mga naglalakihang hamon sa PNP pero napanatili naman ang maayos at payapa ang bansa partikular na ang nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

Sa pagpapalawig ng serbisyo ni Acorda, binanggit ng Opisina ng Pangulo ang Executive Order No. 136, series of 1999 na kinikilala ang kapangyarihan ng Pangulo na aprubahan ang pagpapalawig ng serbisyo ng presidential appointees na lampas sa compulsory retirement age para sa exemplary meritorious reasons.

Iginiit din ng Palasyo na kinikilala nila ang naging termino ni Acorda dahil sa matagumpay na pinamunuan nito ang puwersa ng pulisya mula nang italaga siya noong Abril 2023.

Ilan sa mga tinutukan ng PNP ang pinalakas na Personnel Morale and Welfare, Community Engagement, Integrity Enhancement, ICT Development at Honest Law Enforcement Operations.

Araw ng Lunes, mismong si PNP chief ang nanguna sa flag raising ceremony ng PNP sa Kampo Crame sa Quezon City.

Sa kaniyang talumpati ay pinasalamatan nito ang naging tiwala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kaniya.

PNP, nakiisa sa paggunita ng National Human Rights Consciousness Week

Samantala, personal namang nanawagan si Acorda sa mga tauhan nito sa pagsusulong ng proteksiyon sa karapatang pantao.

Ito’y bilang pakikiisa ng PNP sa pagdiriwang ng National Human Rights Consciousness Week 2023 na nagsimula ngayong araw, Disyembre 4-10.

Ang pagdiriwang nito ay itinakda sa ilalim ng RA 9201 upang maimulat ang mamamayan sa karapatang pantao at palaganapin ang kultura na pagpapahalaga rito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble