INILUNSAD ngayong araw, Abril 6, ang kauna-unahang Basic Motorcycle Driving Program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa tulong na rin ng sikat na motorcycle ride hailing company na Angkas.
Ang launching na ginanap sa TESDA Complex sa Taguig City ay pinangunahan ni TESDA Director General Secretary Isidro Lapeña at Deputy Director General for Operations Lina Sarmiento at ni Angkas CEO Goerge Royeca.
Nag-umpisa ang pagbuo ng programa ng TESDA at Angkas noong nakalipas na taon na may layuning makapagbigay ng pormal na pagsasanay sa mga gustong gumamit ng motorsiklo at ma-professionalized ang motorcycling training sa bansa.
Batay sa datos ng nasa humigit kumulang 18 milyon ang bilang ng mga motorsiklo sa bansa.
Ayon sa TESDA, dahil na rin sa problema sa trapik at mas mura rin ito kung bibili ng mga 4 wheel vehicle na dinagdagan pa ngayong panahon ng pandemya kaya marami ang nahihikayat na bumili ng mga motorsiklo.
Binigyang diin naman ni George Royeca ng Angkas ang kahalagahan ng wastong training o kaalaman sa pagmamaneho ng motor para maiwasan ang mga disgrasya.
Sinabi naman ni Sec. Lapeña, napapanahon ang naturang partnership ng TESDA at Angkas na magbigay ng libreng training.
Samantala, may 25 trainees sa unang batch na sasalang sa 5 araw na rigid training sa 400 square meter na pasilidad sa loob ng TESDA complex.
May apat na instructor na magtuturo sa mga ito kung saan ang dalawa ay mula sa Angkas.
Laking pasasalamat naman ng mga unang batch na mabibigyan ng libreng training ng TESDA at Angkas.
Sa huli ay hinimok ng TESDA at Angkas ang mga nais na matuto ng pagmomotor na magpa-enroll na.