NAIS buksan ng Thailand ang lahat ng land border sa Malaysia sa Mayo 1.
Ito ay upang mapalakas na rin ang industriya ng turismo lalo na sa mga probinsya sa timog ng bansa.
Inihayag naman ni Tourism and Sports Minister Phiphat Ratchakitprakarn na imumungkahi ng ministry sa Center for COVID-19 Situation Administration na buksan ang karagdagang entry points sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa kasalukuyan, ang Sadao Customs Immigration and Quarantine sa Songkhla ay bukas para sa mga turista.
Samantala ang Immigration, Customs, Quarantine at Security point sa Bukit Kayu Hitam sa Malaysia ay magbubukas sa Abril 1.
Simula rin sa Abril 1, ang Hat Yai International Airport ay naka-iskedyul na tumanggap ng internasyonal na mga turista.
Matatandaan na ang Malaysian tourists ang pinakamalaking grupo ng bisita sa Thailand bago ang pandemya.