“The Farm Family Cooking Showdown” at ‘101 ways to serve puto’ tampok sa 2023 Puto Festival ng Calasiao, Pangasinan

“The Farm Family Cooking Showdown” at ‘101 ways to serve puto’ tampok sa 2023 Puto Festival ng Calasiao, Pangasinan

MASAYA ang farm families at iba’t ibang chef ng Calasiao sa idinaos na “The Farm Family Cooking Showdown” at sa isinagawang “101 ways to serve puto” na nilahukan ng Department of Education (DepEd).

Ipinamalas ni Calasiao, Pangasinan Mayor Kevin Roy Macanlalay ang kaniyang angking galing sa pagluluto sa “The Farm Family Cooking Showdown” bilang bahagi ng pagdiriwang ng Calasiao Puto Festival 2023 na sinimulan nitong Disyembre 7-13.

“So, cook fest, ininvite ako para magluto. So ang sabi sa akin, ‘mayor, ano po ang iluluto ninyo?’. Hindi ko masagot agad dahil nag-iisip ako kung ano ang iluluto. So, naisip ko ‘yung niluluto naming sa bahay, ‘yung dinuguan na pansit. So, ‘di banga ang partner ng pansit ay ‘yung puto, at ang partner ng puto ay dinuguan. So, pinagsama natin ‘yung tatlo. So, ayan, natuwa naman ang ating mga kababayan sa ating niluto, at pasado naman daw ang panlasa. At, sana naman natuwa sila sa ating ginawa,” ayon kay Mayor Kevin Roy Macanlalay, Calasiao, Pangasinan.

Saad ni Mayor Macanlalay, ang cook fest ay nilahukan ng 24 barangays at nagkaroon din ng boodle fight presentation.

Nagpapasalamat ang 4h president at isa rin sa Farm owners na si Gerald Quinit sa pakikiisa at sakripisyo ng lahat ng mga magsasaka ng Calasiao sa The Farm Family Cooking Showdown na bahagi ng selebrasyon ng 2023 Puto Festival.

“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng mga Farm family members na kung saan po, naglaan po sila ng oras at nag-sakripisyo po sila sa programang ito. At, ito po ay taon-taon po naming ginagawa sa kanila na kung saan po, open po sila at nakipag-participate naman po sila dito po sa ginagawa naming mga contest,” ayon kay Mr. Gerald Quinet, Farm Owner.

Naging panauhing pandangal din sa nasabing event si Agriculture Training Institute Region 1 Dir. Rogelio Evangelista.

“Ang ating opisina ay nakikiisa sa Calasiao sa pagdiriwang ng Puto Festival. With this, I would like again, alam naman natin na ang puto ay isa sa commodity natin under the rice program kasi gamit ay bigas. Part of it is, andiyan ang ating support lalong–lalo na in terms of extension activities natin,” ayon kay Dir. Rogelio Evangelista, Ati Region 1                                     

Bukod sa event na ito, nagkaroon din ng pre-pageant ng Miss Puto Queen na ginanap sa Robinsons Mall kamakailan.

Samantala, highlights din sa Puto Festival ang “101 ways to serve puto”.

Saad ng mayor, malaking bagay ang kumpetisyon na “101 ways to serve puto” upang makagawa ng iba pang flavors ng puto.

The importance of the best ways to serve puto, before ‘yung puto natin ay ‘yung puti lang at ‘yung kutchinta, at ngayon meron tayong flavored puto. Nakuha, nag-originate flavored puto during the Puto Festival and 101 ways to serve puto before,” dagdag ni Mayor Macanlalay.

Dagdag pa ng alkalde, naghahanap pa ang LGU Calasiao at maging ang mga puto producer ng paraan sa pag-serve ng puto.

Aniya, mahalaga ito upang tangkilikin ng mga Pinoy ang iba pang variations na partner ng puto.

Kinumpirma naman ng alkalde na okay ngayon ang bentahan ng puto sa bayan.

Proud naman si Macanlalay na nakikilala na ang puto Calasiao at nakuha nito ang “The Guinness World of Records” sa Rice Cake Mosaic.

Ayon sa presidente ng asosasyon ng mga puto producers sa Calasiao na si Rufo dela Cruz, malaking tulong ang puto industry sa ekonomiya ng bayan ng Calasiao lalo na sa pag-hire ng mga trabahante.

Kabilang naman sa nagpresenta ng paraan ng pag-serve ng puto ang Bued Elementary School sa pangunguna ng principal nito na si Mr. Michael Alegria.

Saad ng Nutrition Action Officer ng Calasiao na si Vilma Baldueza Gaspar na mayroong 26 elementary schools at 3 high schools ang kalahok sa kompetisyon at ang first prize ay makatatanggap ng P10,000, 2nd prize ay P8,000 at 3rd prize naman ay P6,000 habang tig P2,000 naman ang sa consolation prizes.

Patuloy na iniimbitahan ni Mayor Macanlalay ang lahat na bisitahin ang kanilang bayan at tikman ang masarap na puto Calasiao.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble