Titulong “honorary social worker” sa tinaguriang “imburnal girl” kinuwestiyon

Titulong “honorary social worker” sa tinaguriang “imburnal girl” kinuwestiyon

BINATIKOS ng mga netizen ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa pagbibigay umano ng titulong “honorary social worker” sa tinaguriang “imburnal girl.”

Nag-viral kamakailan sa social media ang naturang babae na kinilala lamang sa pangalang “Rose” matapos makuhanan ng litrato habang gumagapang palabas ng isang imburnal o drainage hole sa Makati City.

Ang dating chairperson ng Professional Regulation Commission (PRC) Regulatory Board for Social Workers na si Thelma Lee-Mendoza, ay kinuwestiyon naman ang desisyon ng DSWD na kilalanin si Rose bilang isang “honorary social worker” at tinawag ito na hindi makatwiran o “unjustified.”

Mariing tinutulan ni Mendoza ang pagkakaloob kay “Rose” ng nasabing titulo, sa kawalan umano ng sapat na batayan.

Ayon sa kaniya, ang naturang titulo ay dapat lamang igawad sa isang indibidwal na kinikilala ng mga lehitimong propesyonal sa larangan ng Social Work, gaya ng PRC-accredited Philippine Association of Social Workers, Inc. at National Association for Social Work Education, Inc.

Terminong “honorary social worker” sa tinaguriang “imburnal girl”, simboliko lamang ayon sa DSWD

Nagpaliwanag naman si DSWD Secretary Rex Gatchalian tungkol dito. Sabi niya, ang ginamit na termino ay hindi tumutukoy sa pormal na kakayahan ni Rose, lalo’t alam nilang Grade 2 lamang ang inabot nito.

“Una sa lahat, hindi ho ako ang naggawad noon; hindi ako ang nagbigay ng term na iyon. Iyong social worker namin na kasama ang mismong nagsabi na she is—sa mata niya —has the making of a social worker,” wika ni Sec. Rex Gatchalian, DSWD.

Nilinaw rin ng kalihim na simboliko lamang ang naturang pahayag at hindi ito opisyal na pagkilala.

“Walang official na conferment na nangyari dahil wala naman sa kapangyarihan ng secretary iyon, more so ng department; symbolic iyong pagkakasabi noon,” ani Gatchalian.

Ito aniya ay simpleng pahayag ng pagkilala sa mga positibong katangiang ipinakita ni Rose, na sana’y magsilbing inspirasyon din sa iba.

“Ang paliwanag nga namin, ang nakitaan sa kaniya ay iyong mga katangian ng isang magaling na social worker.”

“At si Rose ay nakitaan nila ng puso na iyon, una, empathy; pangalawa, compassion; pangatlo altruism—ibig sabihin gusto niyang tumulong kahit siya mismo kailangan ng tulong,” aniya.

Ipinaliwanag ng kalihim ang kahanga-hangang ginawa ni Rose matapos siyang matulungan ng programa ng DSWD. Sa halip na bumalik sa dati niyang pamumuhay, pinili niyang maging inspirasyon sa iba.

Nalaman din na pinagkalooban si Rose ng halagang P80,000 upang makapagsimula ng kaniyang pinapangarap na negosyo, isang sari-sari store na magsisilbing pag-asa para sa kaniyang kinabukasan.

Muling binigyang-linaw ni Gatchalian na hindi ito isang espesyal na kaso, kundi bahagi lamang ng “Pag-abot Program” ng DSWD na naglalayong matulungan ang mga nangangailangan.

Iba-iba ang halaga ng tulong na ipinagkakaloob batay sa pangangailangan ng mga benepisyaryo. May tumanggap ng P10,000, habang si Rose naman ay nakatanggap ng hanggang P80,000.

Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang DSWD sa mga biro, meme, at negatibong komentong kumalat online na tumutukoy kay Rose, matapos siyang mag-viral sa social media dahil sa larawan niyang lumalabas mula sa drainage sa lungsod ng Makati.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble