ARESTADO ang top 3 Most Wanted Person ng Quezon Province matapos ang isinagawang ‘Oplan Pagtugis’ ng pulisya.
Ayon kay PNP CIDG director police Brigadier General Ronald Lee, kinilala ang akusado na si Vincent Robles Cueto, 21 taong gulang at residente ng Sampaloc 2, Sariaya, Quezon Province.
Isinilbi ng mga awtoridad kay Cueto ang warrant of arrest sa kasong homicide na inilabas ng korte sa Lucena City noong Oktubre 2022.
Nasa kustodiya na ng CIDG Quezon Provincial Field Unit ang akusado para sa proper disposition at documentation.
Hinimok ni General Lee ang mga may impormasyon sa kinaroroonan ng mga wanted individuals na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya sa kanilang lugar.