Toxicology report sa pagkamatay ni Christine Dacera, hindi pa rin naisusumite ng PNP

MATAPOS ang dalawang linggong palugit na ibinigay ng piskalya sa kampo ng complainant, ang Makati PNP, napag-alaman na kulang pa rin ang ibinigay nito na dokumento o ebidensiya sa pagkamatay ni Christine Dacera.

Ang nasabing mga ebidensya ay magdidiin sa kasong rape with homicide na isinampa laban sa labing-isang indibidwal na sinasabing sangkot sa pagkamatay ni Christine Dacera sa kasagsagan ng pagdiriwang Bagong Taon.

Batay sa ibinigay na dokumento ng grupo nina John Pascual Dela Serna III na opisyal na ibinigay ng prosekusyon, makikita ang DNA at histopath examination report ni Christine Dacera.

Sa DNA test ng biktima nakasaad na nagnegatibo sa DNA mixed sample ang underwear at damit ni Christine.

Habang lumalabas naman sa histopath examination ng PNP crime laboratory na negatibo din sa iligal na droga ang biktima.

Kaugnay nito, nanindigan ang kampo ng Pamilya Dacera na mayroong krimen na nangyari sa pagkamatay ng biktima.

Ayon sa kanilang abogado na si Atty. Jose Ledda III, hindi sila titigil sa pangangalap ng karagdagang ebidensiya kaugnay sa insidente.

Sa kabila ng naunang report ng medico legal team ng PNP SOCO na natural death ang ikinamatay ni Dacera dahil sa pagputol ng ugat nito sa kaniyang dibdib o ruptured aortic aneurysm.

Samantala, hindi na nagpaunlak ng dagdag na pahayag ang kampo naman ng mga respondents na sina John Pascual Dela Serna III, Rommel Galido Y Daluro, John Paul Halili y Reyes, Gregorio Angelo Rafael De Guzman, at  Valentine Rosales.

Ayon sa abogado ng lima, ipinauubaya nalang nito ang nagiging desisyon ng piskalya sa nasabing kaso matapos ipresenta ng PNP ang mga kinakilangang dokumento sa kaso.

Samantala dumalo naman sa ikalawang pagdinig sa kaso ang isa sa mga imbestigador ng Makati City PNP na nagsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Tintin Dacera.

Ito rin ang isa sa mga pinasisibak sa pwesto ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management dahil sa nakitang iregularidad sa kaso ni Christine.

SMNI NEWS