Tulong at suporta sa 8 Pinoy Seafarers na nakaligtas sa banggaan ng 2 barko sa England, tiniyak ng DMW

Tulong at suporta sa 8 Pinoy Seafarers na nakaligtas sa banggaan ng 2 barko sa England, tiniyak ng DMW

TINIYAK ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang lahat ng kinakailangang tulong at suporta mula sa gobyerno para sa walong Pilipinong miyembro ng crew ng M.V. Solong.

Kabilang sila sa crew ng barkong bumangga sa US oil tanker Stena Immaculate noong a-10 ng Marso ngayong taon, sa Humber Estuary, East Yorkshire, England.

Ayon sa Department of Migrant Workers o DMW, nakatanggap na ang lahat ng mga naturang crew ng pinansyal na tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at DMW nang sila’y dumating sa Pilipinas.

Ang walong Pilipinong seaman ay ligtas na na-repatriate noong a-18 ng Marso sa pamamagitan ng koordinasyon sa lisensyadong manning agency, sa principal, at sa Philippine Embassy sa pamamagitan ng Migrant Workers Office sa London.

Tiniyak naman ng OWWA ang psychosocial well-being ng walong seafarers sa pamamagitan ng isang psychosocial counseling session bago ang kanilang biyahe pauwi sa kani-kanilang probinsya.

Samantala, kinumpirma rin ng DMW na isa sa mga Pinoy seafarer na sakay ng M.V. Solong ay nananatiling nawawala. Ang opisyal na imbestigasyon sa sanhi ng insidente ay patuloy na isinasagawa ng mga awtoridad ng United Kingdom sa koordinasyon sa mga flag state ng mga barko.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble