IGINIIT ni Attorney Larry Gadon na makakaiwas sa sumpa ng ABS-CBN ang TV5 matapos ngang maudlot ang joint deal ng dalawang network.
Kaugnay niyan, ay ipinagbigay-alam na ng dalawang network sa Securities and Exchange Commission at Philippine Stocks Exchange na hindi na nila itutuloy ang transaksyon.
Para naman kay Gadon, makaiiwas sa sumpa ng ABS-CBN ang TV5 sa insidente.
“What cannot be done directly, cannot be done indirectly. Mabuti na lamang at itong TV5 ay napagdesisyunan na huwag na nilang ituloy ang kanilang plano na ipagbili ang 35% ng kanilang holdings dito sa ABS-CBN sapagkat magiging sanhi ito ng pagka-revoke ng kanilang franchise na TV5 or magiging sanhi ito ng hindi pagbibigay ng renewal ng kanilang prangkisa kapag ito ay nag-expire na sapagkat nagkaroon sila ng violation sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pagsanib sa ABS-CBN at alam naman natin na ang ABS-CBN ay napakarami pang issues na hindi pa nareresolba hanggang ngayon at kaya nga sila ay hindi nakakuha ng bagong prangkisa,” pahayag ni Atty. Gadon.
Giit pa ni Gadon, kung natuloy ang kasunduan ay madadamay sa atraso ng ABS-CBN ang TV5.
Kaya wise decision ang ginawa ng Kapatid Network na kumalas lalo na’t may issue sa foreign funding ang Kapamilya Network.
“Kung ang kanilang kapital ay nahaluan ng perang banyaga o foreign funds kapag sila ay bumili ng 35% na equity dito sa TV5 necessarily kasama doon ‘yung pera ng banyaga. ‘Yan ay labag na kaagad sa ating Konstitusyon sapagkat ang mass media ownership and operation must be 100 percent Filipino. Mabuti na lamang at hindi nila tinuloy sapagkat ang magiging kawawa dito ay ang TV5 dahil magiging sanhi ito ng pagka-revoke ng kanilang prangkisa,” ayon kay Gadon.
Nauna nang nagsalita ang ilang kongresista at grupo laban sa ABS-CBN/TV-5 merger dahil labag daw ito sa competition laws.
Isinalang din ito sa imbestigasyon ng House Committee on Legislative Franchises.
“We have to remember that a franchise is just a privilege. Kung mayroong paglabag na makita dito ang ating Kongreso ay pwede kaagad-agad ay bawiin ang prangkisa na kanilang ibinigay sa TV5. Mabuti na lang at napag-isipan nila ito at wala nang magiging peligroso sa TV5 sa kanilang franchise or sa kanilang renewal,”ayon pa ni Gadon.
BASAHIN: Investment deal sa pagitan ng ABS-CBN at TV5, terminated na