Umano’y PDEA report na nagdadawit kay PBBM sa ilegal na droga, isiniwalat ng isang political vlogger

Umano’y PDEA report na nagdadawit kay PBBM sa ilegal na droga, isiniwalat ng isang political vlogger

NITONG Lunes, Abril 1 sa kaniyang YouTube channel na Boldyak TV, inilabas ng political vlogger na si Maharlika ang mga dokumento at kabilang nga sa makikita rito ang pangalan ng kasalukuyang pangulo bilang target ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanilang pre-operation report noong Marso 2012.

Paliwanag pa ni Maharlika, may sabwatan umanong nangyari sa pagitan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at isang cabinet secretary ni Dating Pangulong Noynoy Aquino kaya hindi natuloy ang pag-aresto noon kay Pangulong Marcos.

Giit pa nito’y kasado na sana ang operasyon noon kundi lang ito hinarang ng isang cabinet secretary ni Dating Pangulong Aquino.

Samantala, itinanggi naman ng PDEA ang mga nasabing dokumento na ipinakita ni Maharlika at anila isa lamang itong peke na dokumento.

Giit pa ng PDEA, nag-check ito sa Plans and Operations Reports Management Information System (PORMIS) ng ahensiya ngunit wala silang nakitang operasyon na isinagawa noong Marso 11, 2012, ang araw kung kailan ang umano’y pre-operation report base sa mga dokumento na inilabas ng political vlogger.

Dagdag ng PDEA, lahat ng pre-operation na dokumento ay serialized at naka-record sa kanilang database.

Sa ngayon, wala pang komento ang Pangulo hinggil sa nasabing akusasyon.

Si Maharlika ang isa mga kilalang vlogger na sumuporta kay Presidente Bongbong Marcos Jr., noong panahon ng kampanya, na ngayo’y kilala nang kritiko ng Marcos administration.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter