Unahin ang interes at kapakanan ng mga pilipino bago ang pamumulitika- Sen. Bong Go

Unahin ang interes at kapakanan ng mga pilipino bago ang pamumulitika- Sen. Bong Go

UMAPELA si Senator Christopher ‘Bong’ Go sa mga kapwa aspiring candidates na unahin ang interes at kapakanan ng mga pilipino bago ang pamumulitika.

Panawagan ngayon ni Sen. Bong Go sa mga kapwa nito aspiring candidates para sa 2022 election na manatiling pokus sa kinakaharap na krisis ng bansa dulot ng pandemya at unahin pa rin ang interes at kapakanan ng mga pilipino.

“Lahat naman tayo. Kung sino po ‘yung may trabaho pa, ‘yung mga elected diyan na hindi naman considered resigned, magtrabaho muna tayo. ‘yung iba naman po kahit na resigned kayo, kung gusto niyo makatulong, magtrabaho muna tayo dahil baka wala tayong pulitikang pag-uusapan kung hindi natin malalampasan ito,”ayon kay Senator Go.

Bilang senador at vice presidential aspirant ay pangako ni Sen. Go na mananatili ang kanyang pokus at patuloy na serbisyo sa mga nangangailangan sa kabila ng kanyang pagtakbo sa darating na halalan.

“Ako naman po magtatrabaho pa rin ako dahil senador po ako, hindi naman ako considered resigned, hindi naman po ako appointed or nasa appointive position, ako po’y halal,”ayon kay Go.

Binigyang diin ni Go, na dapat na maging prayoridad muna ang pagtugon sa laban kontra COVID-19 dahil marami ang maghihirap kung hindi makabangon ang ekonomiya at may iba pang panahon para sa pamumulitika.

“Eh kung tataas na naman po ang kaso sa susunod na taon, sino po ang maghihirap? ‘yung mga kababayan natin. Magsasara na naman ang ekonomiya, marami pong mawawawalan ng trabaho. Unahin muna natin ‘yung kapakanan ng ating mga kababayan,”dagdag nito.

Ayon kay Go, dapat na suriing mabuti kung naipatutupad ba sa kada lugar ang pagbabakuna at tiyaking walang masayang ni piso na pera ng gobyerno para sa implementasyon ng COVID-19 response.

“Concern ko po ito – ang kalusugan po ng bawat pilipino. Tingnan na na-encourage ba ‘yung mga pilipino na magpabakuna, tingnan po ang ating executive na talaga pong nai-implement nang maayos ‘yung pagbabakuna, walang masayang na bakuna, walang masayang ni isang piso po na pera ng gobyerno dito sa implementasyon ng ating COVID response,”ayon kay Go.

Mensahe ni Go, sa mga kandidato na kung tunay ang pagmamahal nito sa mga pilipino ay uunahin ng mga ito ang interes at kapakanan ng publiko at kung sakaling malampasan na ang krisis ay saka sila maglaban-laban para sa inaasam na posisyon.

“Sa mga kapwa ko kandidato, kapakanan ng pilipino ang unahin natin lalung-lalo na ngayon naghihirap tayo. Malampasan muna natin itong krisis na ito. ‘pag nalampasan natin sa susunod na taon, kumbati na tayo,”ayon kay Senator Go.

SMNI NEWS