Unang araw ng implementasyon ng “Libreng Sakay” sa MRT-3, sinamantala ng mga pasahero

Unang araw ng implementasyon ng “Libreng Sakay” sa MRT-3, sinamantala ng mga pasahero

SINAMANTALA ng mga pasahero ang unang araw ng implementasyon ang Libreng Sakay ng MRT-3 ngayong Lunes.

Sa Taft Avenue Station, dagsa ang mga pasahero na gustong makapag-avail sa libreng sakay.

Ayon sa ilan nating mga nakausap, malaking tulong ang programa na kahit papaano raw ay makakatipid na sila ulit ng kaunti lalo na ngayon na walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Maliban sa makatitipid ang mga mananakay, malaking tulong din anila ang mga rehabilitated na mga bagon dahil mas maayos at mabilis na silang makapapasok sa kani-kanilang mga trabaho.

Sa implementasyon ng Libreng Sakay, walang anumang babayaran ang mga pasahero, saan mang istasyon manggagaling o pupunta, anumang oras sa buong operasyon ng MRT-3.

Para sa mga pasaherong may valid Stored Value o Beep Card, kailangan lang i-tap ang card sa ticket gate upang makapasok at makalabas ng platform at makasakay ng tren.

Walang mababawas sa Beep Card balance.

Para naman sa mga pasaherong walang Beep Card, kailangan lang pumunta sa ticket booth at kumuha ng Single Journey Ticket. Wala ring dapat bayaran sa pagkuha nito.

Magtatagal ang libreng sakay hanggang April 30 ngayong taon.

Sa implementasyon ng Libreng Sakay, mahigpit pa ring ipatutupad ang minimum health protocols sa buong linya.

Bawal ang kumain, uminom, makipag-usap, at sumagot ng tawag sa loob ng mga tren. Kailangang naka-facemask sa lahat ng oras at boluntaryo ang pagsusuot ng face shield.

Follow SMNI News on Twitter