Balikatan 2022, sisentro sa anti-insurgency at humanitarian and disaster response

Balikatan 2022, sisentro sa anti-insurgency at humanitarian and disaster response

OPISYAL nang nagsimula ngayong araw ang Balikatan Exercise 2022 na gaganapin sa AFP National Headquarters, Camp Aguinaldo.

Ang Phil-US Balikatan Exercises 2022 ay sisentro sa pagbibigay ng mga humanitarian services sa mga malalayong lugar na nasasakupan ng 5th Infantry Division.

Makakasama dito ang tropa mula sa Philippine Marines at ang Tactical Operations Group 2 at mga sundalong Amerikano.

Wala namang inaasahang simulation ng military drills sa Cagayan at Isabela dahil nakatutok sila sa humanitarian service.

Nasa 8,900 sundalong Pilipino at Amerikano naman ang  lalahok sa Balikatan Exercise ngayong buwan, binubuo ito ng 3,800 na miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at 5,100 na US military personnel ang lalahok sa pinakamalaking Balikatan Exercise mula Marso 28 hanggang Abril 8.

Gaganapin ito sa iba’t ibang bahagi ng Luzon kung saan tampok ang maritime security, amphibious operations, live-fire training, urban operations, aviation operations, counterterrorism, at humanitarian assistance and disaster relief.

Maliban dito, magsasagawa rin ang AFP at U.S. military ng humanitarian at civic assistance projects kabilang ang pagsasaayos ng apat na elementarya, community health engagements at advanced emergency rescue at life saving techniques.

Itatayo ang ilang silid aralan sa Claveria at Barangay Rizal, Alicia, Isabela at gagamitin sa pagpapatayo ng mga silid aralan ang pondong galing sa Estados Unidos.

Sa kabilang banda, itutuon rin ng dalawang bansa ang anti-insurgency plans nito bilang pangunahing suliranin ng Pilipinas ang paglaban sa mga natitira pang miyembro ng communist terrorist group at New People’s Army.

Sinabi ni AFP Balikatan Exercise Director Major General Charlton Sean Gaerlan, na ang pagsasanay ay patunay ng malakas na security relationship ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ipinatutupad naman ang COVID-19 mitigation kung saan kailangang sumunod ang lahat sa regulasyon ng Pilipinas kabilang ang pagsusuot ng face mask at physical distancing.

Ang Phil-US Balikatan Exercises 2022 ay inaasahang magsisimula ngayong araw at magtatapos sa unang bahagi ng buwan ng Abril.

Samantala, nasa Pilipinas naman ngayon ang dambuhalang aircraft carrier ng Amerika na USS Abraham Lincoln (CVN 72) para sa isang regular port visit nito.

Ang Abraham Lincoln Strike Group ay kasama sa deployment ng U.S. 7th fleet para sa interoperability enhancement nito sa mga teritoryo ng mga kaalyadong bansa lalo na sa Indo-Pacific Region kung saan kasama dito ang Pilipinas.

Isa rin sa mga target ng paglalayag ng nasabing barko ay ang pagtiyak sa mga kaalyadong bansa na mayroon silang malalapitan sa oras ng pangangailangan.

Matatandaang, nananatili pa rin ang banta ng bansang Tsina sa mga karagatang sakop ng Pilipinas kung kaya’t bahagi ng pagbisita ng American aircraft carrier ay maipakita ang suporta nito sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter