NAKABUO ang Kadiwa outlet na inilunsad sa Pili, Camarines Sur ng humigit-kumulang P1.2 milyon na benta.
Ito ang iniulat ni Presidential Communication Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil.
Kaya naman, mas maraming mga nagbebenta at mamimili na nakikinabang sa programang Kadiwa ng Pangulo ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Dagdag pa ni Garafil, kumita ng nasa Php431,162 ang unang araw ng Kadiwa sa Bicol at Php780,912 sa ikalawang araw o umabot sa kabuuang Php1,212,074 ang benta roon.
Matatandaang nakapagtala ng total sales na Php931,329 ang Kadiwa ng Pangulo sa Cebu City.
Sa unang bahagi ng buwang ito, isang outlet ng Kadiwa ng Pangulo na tinawag na “KNP Para sa Manggagawa” ang inilunsad sa punong tanggapan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Quezon City.
Bahagi ito ng patuloy na pagpapalawak ng Kadiwa centers sa buong bansa na naglalayong magbigay ng plataporma para sa mga Pilipinong magsasaka, mangingisda at micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Layon ng programa na magkaroon ang mga nabanggit na sektor ng karagdagang kita sa pamamagitan ng direktang farm-to-consumer trade.
Saysay ng Pangulo, ang inisyatiba ay naglalayon ding mabigyan ang mga mamimili ng murang pangunahing bilihin sa gitna ng tumataas na inflation sa bansa.
Target aniya ng gobyerno na tulungan ang mga MSME na makabangon ang lahat mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa record ng PCO, nakapaglunsad na ang administrasyong Marcos ng mahigit 500 Kadiwa ng Pangulo outlets sa buong bansa.