PBBM, dinaluhan ang iba’t ibang aktibidad sa Camarines Sur

PBBM, dinaluhan ang iba’t ibang aktibidad sa Camarines Sur

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang flagship projects ng pamahalaan sa Human Settlements at Agriculture ngayong araw sa munisipalidad ng Pili sa Camarines Sur.

Alas sais pa lang ng umaga ay dinagsa na ng mga mamimili ang kauna-unahang Kadiwa ng Pangulo sa Bicol Region.

Tampok dito ang mga murang bilihin gaya na lamang ng bigas na nasa P25 kada kilo, itlog (large) nasa P189.00 kada tray, sibuyas P100 kada kilo, carrots P60, ampalaya P110 per kilo, repolyo P60 per kilo at marami pang iba.

Mayroon ding sweet delights, prutas, karne at marami pang iba.

Ang ‘Kadiwa ng Pangulo’ program ay naglalayon na mabigyan ang mga Pilipino ng sariwa at abot-kayang produktong pang-agrikultura at pangisdaan mula mismo sa mga lokal na magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyo.

Nakatutulong din ito para mapataas ang kita ng mga ito.

Bukod sa Kadiwa, pangungunahan din ni Pangulong Marcos ang groundbreaking ceremonies ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) projects sa dalawang lugar ng Naga City.

Ang pabahay project ay isang programang nakatakdang lumikha ng isang milyong housing units sa bansa bawat taon hanggang 2028.

Ito ay sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Dinaluhan din ni Pangulong Marcos ang distribusyon ng iba’t ibang government assistance sa municipalidad ng Pili.

Samantala, ayon kay Asec Dominic Tolentino ng Regional Operations Group (ROG) ng DTI, nasa 60 sellers ang nagparticipate ngayon sa Kadiwa sa Pili Camarines Sur.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter