Unang kaso ng Mpox sa Negros Occidental at Capiz, kumpirmado pero kontrolado —health officials

Unang kaso ng Mpox sa Negros Occidental at Capiz, kumpirmado pero kontrolado —health officials

WALANG dahilan para mangamba ang publiko sa unang kumpirmadong kaso ng mpox sa Negros Occidental. Ayon iyan sa Provincial Health Office (PHO).

Ayon kay Dr. Girlie Pinongan, head ng PHO, ang dalawampung taong gulang na pasyente mula sa Talisay City ay maayos na ang kalagayan at kasalukuyang nagpapagaling sa bahay.

Ipinaliwanag din ni Pinongan na ang mpox ay nakakahawa sa pamamagitan ng malapit na pisikal na pakikisalamuha at hindi sa hangin.

Nagsimula umanong makaramdam ang pasyente ng mga sintomas noong kalagitnaan ng Hunyo, katulad ng mga pantal at pamamaga sa lymph nodes, kaya’t sumailalim ito sa pagsusuri.

Nang lumabas ang resulta noong nakaraang linggo, agad siyang sumailalim sa dalawampu’t isang araw na home isolation at ngayon ay nagpapagaling na.

Nagsagawa na ang Talisay City Health Office ng contact tracing para matiyak na hindi kumalat ang sakit sa iba.

Hinikayat din ni Dr. Pinongan ang lahat na panatilihin ang maingat na kalinisan sa katawan at kumonsulta sa doktor kapag nakaramdam ng sintomas tulad ng lagnat, pamamaga sa lymph nodes, o hindi maipaliwanag na mga pantal sa balat.

Kasalukuyan pang hinihintay ang resulta ng dalawa o tatlong iba pang hinihinalang kaso sa lalawigan.

Samantala, kinumpirma rin ng Capiz Provincial Health Office ang unang kaso ng mpox sa lalawigan.

Ayon sa opisyal na pahayag, sa pitong hinihinalang kaso, isa ang nagpositibo sa mpox batay sa resulta ng Research Institute for Tropical Medicine.

Sinabi rin ng Municipal Health Office ng Pontevedra na ang pasyente ay gumaling na at ang lahat ng nakasalamuha nito ay kasalukuyang binabantayan.

Pinaigting na rin ng Capiz PHO ang pagmo-monitor at surveillance sa buong lalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Pinaaalalahanan din ang publiko na manatiling kalmado at sumunod sa mga abiso sa kalusugan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble