Underwater at coastal cleanup, ikinasa ng DOT sa Lapu-Lapu City

Underwater at coastal cleanup, ikinasa ng DOT sa Lapu-Lapu City

ISANG underwater at coastal cleanup ang isinagawa sa Lapu Lapu City, hakbang ng Department of Tourism (DOT) upang mapangalagaan ang marine environment.

Sa ikalawang araw ng Philippine Tourism Dive Dialogue, tumungo ang mga diving stakeholder sa Lapu Lapu City.

Ikinasa ang isang underwater at coastal clean-up sa lugar na bahagi ng hakbang ng Department of Tourism (DOT) na maipreserba ang marine environment.

Ayon kay Tourism Sec. Christina Garcia-Frasco na mahalaga na mapangalagaan ang kalikasan dahil may kaugnayan aniya ito sa industriya ng turismo na nagbibigay ng kabuhayan sa milyun-milyong Pilipino.

“We are waging a whole new different war. And that is against the degradation of the environment. Either way we come together as Filipinos to ensure that we preserve our environment for the long term dahil masyadong malaki ang kontribusyon ng turismo sa ekonomiya at milyun-milyon sa ating mga kapatid na Pilipino ang umaasa sa pag-unlad ng turismo para sa kanilang kabuhayan,” pahayag ni Sec. Christina Garcia-Frasco, Department of Tourism.

Iba’t ibang klase ng basura ang nakuha mula sa mangrove area sa Mactan Shrine.

Ayon kay Frasco, ang mga basurang nakolekta sa nasabing lugar ay isang nakalulungkot na pangyayari na nakikita rin sa maraming baybayin sa bansa.

Hinakayat ng kalihim ang publiko na makiisa sa pagpreserba ng kalikasan.

“And sadly this is an occurrence that we see in many coastal areas in the country. And that is why no small act is ever wasted. Magtulungan tayo na i-conserve ang ating environment, our coastal resources by picking up any piece of trash that you can see along the coastline or under the sea for that matter,” ayon pa kay Frasco.

Dagdag pa ni Frasco na malaki ang papel na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan dahil sila ang nasa forefront ng environmental conservation na sumusuporta sa tourism industry.

Mga turistang nagtatapon ng basura sa karagatan, pinagmumulta ng Lapu-Lapu LGU

Sa Lapu Lapu City, may ordinansa ang LGU na nagpapataw ng multa sa mga turistang nagtatapon ng basura sa karagatan.

Paliwanag ni Mayor Junard Ahong Chan bilang isang tourism city, dapat malinis aniya ang lungsod lalo na sa mga karagatan.

“We have an ordinance na dapat ‘yung mga turista hindi na basta-basta magtatapon sa basura nila sa kadagatan,” saad ni Mayor Junard Ahong Chan, Lapu-Lapu City.

“’Yung mga pumpboat natin, ‘yung mga turista natin mayroon silang sariling garbage cans, bags, sa pagbalik nila mayroong mag-iinspect kung may basura ba sila or wala. ‘Pag wala silang basura sigurado tinatapon nila ‘yung basura doon sa kadagatan. So they will be penalized,” ani Mayor Chan.

Follow SMNI NEWS on Twitter