Unemployment rate, posibleng tumaas dahil sa wage hike; 40K-140K manggagawa, maaapektuhan

Unemployment rate, posibleng tumaas dahil sa wage hike; 40K-140K manggagawa, maaapektuhan

AABOT hanggang 140,000 na mga Pilipinong manggagawa ang maaaring mawalan ng trabaho dahil sa P35 wage hike sa Metro Manila—National Economic and Development Authority (NEDA)

Sa posibilidad na hindi makasunod sa inaprubahang panibagong umento sa sahod, maaaring mapilitang magsara o magbawas ng mga manggagawa ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) o mga maliliit na negosyo.

Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, oras na mangyari ‘to, papalo sa 40,000 hanggang 140,000 manggagawa ang posibleng maapektuhan.

Magugunitang inaprubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) wage board ang P35 na wage increase sa National Capital Region (NCR).

Sinabi pa ng kalihim na posible itong magresulta sa muling paglobo ng unemployment rate sa bansa.

“It could increase unemployment rate but again, it’s very negligible number; and it could impact something like 40,000 to 140,000, depending on the region but still again, not as big as one would expect if those rates adjustment, rate adjustments were much higher,” saad ni Sec. Arsenio Balisacan, NEDA.

Iniulat din ng NEDA chief ang negatibong epekto ng wage hike sa national output ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.

“The national output, GDP, would be impacted negatively, but it’s a very small impact – it’s just one-tenth of … about one-tenth of one percent,” ani Balisacan.

Sa kabilang banda, nagbigay naman ng katiyakan si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na mahigpit ang kanilang pagmomonitor sa epekto ng anumang wage adjustments sa parehong mga mawawalan ng trabaho at sa mga kompanya.

“Iyong nakaraang taon, nagkaroon din ng epekto iyong adjustment na binigay ng National Capital Region Tripartite Wages and Productivity Board. If I recall correctly, mayroong more or less, mga 20,000 na naapektuhan doon sa ginawa nilang adjustment,” wika ni Sec. Bienvenido Laguesma, DOLE.

Sa ngayon, ani Laguesma, wala pa silang namomonitor na may mga kompanyang nagsara dahil sa P35 wage hike.

“We are not saying na ano …any transformation or anything that happens in the place of work will always have some impact whether positive or negative but we focus on the positive,” dagdag ni Laguesma.

Sa datos ng Philippine Statistic Authority (PSA), naitala ang 4.1% unemployment rate noong Mayo 2024.

Katumbas ito ng 2.11 milyon na bilang ng mga walang trabaho batay sa Labor Force Survey.

Mas mataas ang nabanggit na bilang kaysa sa naitala noong April 2024 na 2.04 million.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble