Vaccine mix & match trial sa bansa, ikakasa na sa mga susunod na buwan

Vaccine mix & match trial sa bansa, ikakasa na sa mga susunod na buwan

DALAWANG klase ng vaccine- mix and match trial ang isasagawa ng Department of Science and Technology (DOST) katuwang ang Department of Health (DOH).

Unang trial ay ang pagbibigay ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccine kung saan Sinovac ang gagamitin para sa unang dose at ibang brand naman para sa pangalawang dose.

Paliwanag ni DOST Usec. Rowena Guevarra na kaya Sinovac ang magiging baseline vaccine dahil isa itong inactivated virus at dumaan sa tradisyunal na proseso ng pagsasagawa ng bakuna.

Ang pangalawang  trial naman ay ang pagtuturok ng parehong brand ng bakuna para sa una at ikalawang dose.

Pero titingnan kung maaari bang ibang brand ang gagamitin para sa booster.

Inaasahan na magsisimula ang mga clinical trial sa katapusan ng Hunyo o Hulyo.

Subalit, magsususmite muna ang DOST ng mga protocol sa isasagawang trial sa Food and Drug Administration (FDA) upang makakuha ng permit.

Maliban dito ay kinakailangan rin na pumasa ang mga protocol na ito sa Ethics Review Board upang makapagsimula na sa vaccine-mix-&-match trial.

Safety protocol para sa isasagawang vaccine-mixing trial, titiyakin ng DOST

Kasabay ng mga protocols na ipapasa sa FDA ay  ang pagtitiyak ng kaligtasan ng mga participants na sasailalim sa naturang trial.

Giit ni Guevarra na bago isalang ang mga participants sa clinical trial ay dadaan ito sa masusing proseso.

Ipaliliwanag sa kanila kung ano ang mga risks at mga benepisyo sa gagawing pagsusuri.

May kalayaan naman ang mga participants na umatras sakaling magbago ang isip nito na sumali sa clinical trial.

Sa kasalukuyan ay nag-umpisa na rin ang Britanya at iba pang  bansa sa kanilang vaccine-mixing trial.

(BASAHIN: Sinovac, Pfizer, top vaccine brand na gusto ng mga Pilipino)

SMNI NEWS