NAG-resign na si Vice President Sara Duterte bilang miyembro ng Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ngayong araw, Mayo 19.
Ayon kay Vice President Duterte, nagpapasalamat siya sa lahat ng miyembro ng partido sa suporta na minsan ding nagpakita na ang pagkakaisa ay posible upang isulong ang mga pangarap para sa kapwa Pilipino at sa bansa.
Iginiit ni VP Duterte na wala nang mas mahalaga sa kaniya kaysa makapaglingkod nang makabuluhan sa kapwa Pilipino at sa Pilipinas kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Saad din ng pangalawang pangulo na magtiwala ang lahat sa kaniyang salita, at kaniyang pangako ay hindi mababago.
Dagdag pa ni VP Duterte na naluklok siya sa puwesto dahil sa tiwala ng sambayanang Pilipino sa kaniya na pamunuan at pagsilbihan sila at ang bansa, at hindi ito maaaring malason ng political toxicity o masira ng political powerplay.
Nananawagan si VP Duterte sa lahat ng mga pinuno na tumuon sa gawaing dapat gawin at mag-iwan ng pamana ng isang matatag na tinubuang-bayan.