PINASINUNGALINGAN ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang sinasabing pagrebrand ng kasaysayan ukol sa Martial Law.
Ayon kay Duterte na bilang Education Secretary, wala sa kaniyang mandato ang pagsira sa integridad ng kasaysayan ng bansa.
Aniya na tulad ng iba, alam niya ang kahalagahan ng Martial Law at EDSA Revolution sa kasaysayan bilang isang bansa.
Dagdag pa ni Duterte na ang DepEd ay abala sa mga programang naglalayong maiangat ang kalidad ng basic education sa Pilipinas.
Kaya aniya walang panahon ang kagawaran para sa historical revisionism na pilit na iginigiit aniya ng ilang mga anti-Marcos groups.
Pagbibigay-diin ng Pangalawang Pangulo na hindi totoo ang sinasabing rebranding ng kasaysayan.
Nag-ugat ang isyu mula sa isang social media post ng isang learner mula sa Marinduque ukol sa paggamit ng isang DepEd module na may katagang “New Society”.
Hinihikayat naman ni Duterte ang publiko na mag-ingat sa mga pagkilos na malisyoso at naglalayong pag-alabin ang mga damdamin ng mga kababayan laban sa Martial Law gamit ang DepEd.