PINATITIYAK ni Vice President Sara Duterte sa mga magulang na makapagtapos ang kanilang mga anak sa kanilang mga pag-aaral.
Hindi pinalagpas ni VP Sara ang pagkakataon na muling paalalahanan ang mga magulang na protektahan ang mga kabataan mula sa mga bagay na makasisira sa kanilang kinabukasan.
Sa kaniyang mensahe sa Tambobong Indakan Festival sa Malabon City nitong weekend, inihayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na kanilang ginagawa sa Department of Education ang matatag na agenda.
Ayon kay VP Duterte, layon nito na magbigay ng mga reporma sa basic education sector sa bansa sa loob ng 6 na taon.
Aniya, kanilang layunin na makapagtaguyod ng isang bansang makabata at mga batang makabansa.
Pinaalahanan din ni VP Sara ang mga magulang na kinakailangan makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak dahil ito lamang ang tanging magpapabago sa kanilang buhay at magbibigay ng tuluy-tuloy na kaunlaran sa bansa.
“Nananawagan po ako sa inyong lahat dito sa Malabon na magtulungan tayo na paniguraduhin na ang ating mga anak ay pumapasok sa paaralan at ang ating mga anak ay makapagtapos ng pag-aaral. Ito po ang magpapabago sa kanilang buhay at magbibigay ng tuluy-tuloy na kaunlaran sa ating bansa,” mensahe ni Vice President Sara Duterte.
Mga magulang sa Malabon City, hinikayat na ilayo ang mga anak mula sa kriminalidad at NPA
Hindi rin pinalagpas ni VP Sara ang pagkakataon na muling paalalahanan ang mga magulang na protektahan ang mga kabataan mula sa kriminalidad at New People’s Army (NPA).
“Ilayo po natin sila sa mga kriminalidad, sa ilegal na droga, sa mga NPA, mga terorista, dahil ito po ay makakasira sa kanilang kinabukasan,” ayon pa kay VP Sara.
Mga programa ng OVP, ilalapit sa mga residente ng Malabon—VP Duterte
Samantala, makikipag-ugnayan naman ang Office of the Vice President (OVP) sa Malabon LGU ani Vice President Duterte upang mailapit sa mga residente ang mga serbisyong puwede nilang i-avail mula sa ahensiya.
Isa na rito ang pagbibigay ng negosyo sa mga residente.
“Meron po kaming Mag Negosyo ‘Ta Day kung saan nagbibigay kami ng P100,000 to P500,000 na perang tulong sa mga organisasyon ng kababaihan, ng LGBTQ, o mga PWD na interesadong magnegosyo,” dagdag ni Vice President Sara Duterte.
Ipinakilala rin ng pangalawang pangulo ang mga programa ng OVP na nakatuon sa peace building, family planning at responsible parenthood para sa mga magulang at ang pagbibigay-halaga sa edukasyon.
“Meron din po kaming Peace 911 campaign — ito po ang isang programa ng peace-building sa mga komunidad at ang PagbaBAGo campaign kung saan nangangampanya kami ng family planning at responsible parenthood para sa mga magulang at ang kahalagahan ng edukasyon para sa ating kabataan,” pagtatapos ni VP Sara.